IDADAAN sa Constituent Assembly (CON-ASS) ang pag-amyenda sa 1987 Constitution upang hindi umano magastusan ang gobyerno.
Ito ang nabatid kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., na may akda sa Resolution of Both Houses (RBH) NO. 1 na naglalayong amyendahan ang mga economic provision at isama sa Konstitusyon ang West Philippine Sea (WPS).
“Im not advocating ConCon (Constitutional Convention) dahil sobrang mahal po,” ani Garbin kaya nais nito na idaan sa Con-Ass ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sa ilalim ng Con-Ass, magsasanib ang Senado at Kamara para amyendahan ang Saligang Batas taliwas sa ConCon kung saan iboboto ng taumbayan ang mga miyembro nito kaya nangangailangan ng pondo bukod sa pagpapasweldo sa mga ito at gastos sa kanilang tanggapan kahit pansamantala lang.
“ConCon si too expensive, bilyon-bilyon ang gagastusin natin diyan,” ayon pa sa mambabatas subalit wala itong ibinigay na detalye kung magkano mula sa pagboto ng delegado hanggang matapos ang kanilang trabaho.
Bukod dito, hindi umano buong Saligang Batas ang aamyendahan kundi ang Article 1 ng 1987 Constitution para isama sa teritoryo ang West Philippine Sea na ipinanalo ng Pilipinas noong July 12, 2016 sa Permanent Court of Arbitration (PCA).
Panahon na rin aniya na amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas dahil ito ang isa sa mga dahilan kung bakit limitado ang pagpasok ng mga dayuhan sa bansa para maglagak ng puhunan o negosyo.
“Let us remember na we have this 38 years old charter… 38 taon nang mayroon tayong restrictive provisions, nalilimita ang pagpasok ng mga foreign investment,” paliwanag ng kongresista.
Dahil dito, hindi na kailangang idaan sa ConCon ang pag-amyenda sa Saligang Batas at kaya na aniya ito ng ConAss.
Gayunpaman, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na kontra ang Senado sa Con-Ass lalo na’t sa mga nagdaang Kongreso, ayaw ng mga kongresista ang hiwalay na botohan ng dalawang kapulungan sa bawat probisyon na aamyendahan.
(BERNARD TAGUINOD)
