INAASAHAN ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na lilikha ng mahihinang mga pagyanig o aftershocks ang magnitude 5.8 earthquake na tumama sa bayan ng Cagayan nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa Phivolcs, naramdaman ang pagyanig sa bayan ng Calayan bandang alas-1:45 ng hapon nitong Linggo.
Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig bunsod ng paggalaw ng earth’s crust, may sampung kilometro ang lalim.
Naramdaman ang lindol hanggang sa Claveria Cagayan, Penablanca sa Cagayan at Basco, Batanes.
Noong Sabado ng umaga ay nagkaroon din ng 5.3 quake sa dagat sakop ng Calayan town sa Cagayan sa kasagsagan ng Tropical Storm Crising.
Samantala, pinawi agad ng Phivolcs ang pangamba na magkakaroon ng tsunami sa Pilipinas matapos yanigin ng 7.5 earthquake ng Kamchatka sa Russia nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa Phivolcs, tumama ang lindol sa east coast ng Kamchatka bandang alas-2:49 ng hapon, na may lalim na 77 kilometers ang origin.
“Hazardous tsunami waves are possible for coasts located within 300 km of the earthquake epicenter,” ayon Phivolcs bulletin.
(JESSE RUIZ)
