LAGLAG sa bitag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang magnobyo na magkapartner sa pagbebenta ng mga pekeng cellphone.
Ayon sa PNP-CIDG, pasado alas-11 ng umaga nitong Sabado, ikinasa ang entrapment operation laban sa dalawa na nagresulta sa pagkakasamsam sa tinatayang isang milyon pisong halaga ng pekeng cellular phones.
Nabatid na naaktuhan ang dalawang suspek na bitbit ang 31 piraso ng pekeng cellphones na tinatayang P955,650 ang halaga.
Pagkaraan ay itinuro ng mga suspek kung saan nakalagay ang cellphone accessories na ibinebenta rin nila sa area.
Ayon sa CIDG, hindi dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Customs (BoC) at National Telecommunications Commission (NTC) ang mga produkto.
Nabatid na wala ring business permit ang negosyo na pagmamay-ari umano ng isang Chinese national.
“Mas nabebenta nila ito nang mura kesa doon sa original price ng product… parang grupo ito ng mga nagbebenta ng smuggled na produkto kaya hanggang ngayon ay nag-iimbestiga pa ang ating kapulisan para matukoy po kung sino pang involved dito,” ayon sa isang miyembro ng CIDG.
Giit ng 28-anyos na suspek, hindi niya alam na ilegal ang mga produkto.
“Sobrang lungkot po kasi, hindi ko inaasahan na masasangkot ako sa ganito… ang inaplayan ko po kasi sa agency is office staff. Tapos nung mag-start na dito, ilegal po pala,” aniya.
Dagdag niya, nakalabas na ng bansa ang Chinese national noong Hulyo 15.
Tumangging humarap sa media ang kinakasamang lalaki ng suspek na naghatid sa kanya sa convenience store.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang magkasintahan na mahaharap sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
(JESSE RUIZ)
