ARESTADO ang apat na suspek sa ilegal na droga matapos salakayin ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Pampanga Provincial Office, ang isang makeshift drug den na nagresulta rin sa pagkumpiska sa humigit-kumulang 10 gramo ng umano’y shabu kasunod ng buy-bust operation sa Barangay Sta. Cruz noong kasagsagan ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising.
Nadakip sa inilunsad na anti-narcotics operation ang apat na drug personalities na kinilalang sina alyas “Bulate”, 37; “Joe”, 29; “JJ”, 42; at “Mike”, 40-anyos.
Nasamsam ng mga operatiba ang 11 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 10 gramo ng shabu, iba’t ibang drug paraphernalia, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ilegal na droga ay agad na ipadadala sa PDEA RO3 laboratory para sa quantitative and qualitative examinations.
Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng pinagsamang mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Pampanga Provincial Office, PDEA RO3 Special Enforcement Team (RSET), at ng lokal na pulisya.
Inihahanda na ang kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na isasampa sa mga suspek.
(JESSE RUIZ)
