CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAGDABOG nang todo ang publiko sa paglabas ng ulat hinggil sa balitang bubuwisan ng 20% tax maging ang kapurit na ipon ni Juan.
Sentro ng batikos si Finance Secretary Ralph Recto. Ang isyu ngayon ay ang pagpapatupad ng buwis sa ilang long-term deposits sa ilalim ng Capital Markets Efficiency Promotion Act o CMEPA.
Marami ang galit. Marami ang nag-akala na bagong pahirap ito na gawa ni Recto mismo.
Naglabas na rin ng paglilinaw ang Department of Finance na walang bagong buwis sa bank deposits at hindi magkakaroon ng 20 porsiyentong tax sa kabuuang deposito kundi ang interes na kinikita sa savings.
Balik tayo kay Recto. Bakit nga ba siya ang puntirya ng pagkastigo ng publiko gayung trabaho lang niya ang ipatupad ang batas.
Ang CMEPA ay ipinasa ng Kongreso noong 2023. Hindi ito panukala ni Recto. Hindi rin siya Finance Secretary nang panahong iyon. Ngayon, tungkulin lang niya na ipatupad ang mga probisyong nakasaad dito. Kung hindi niya ito ginawa, siya pa ang pwedeng managot.
Linawin natin. Ang CMEPA ay nagtatalaga ng flat na 20% na final tax sa interest income mula sa long-term bank deposits na winidro o pre-terminated bago umabot ng limang taon. Hindi ito bagong buwis na biglang inimbento. Bago pa ang CMEPA, may 20% nang buwis sa mga depositong mas mababa sa tatlong taon, at bahagyang mas mababang buwis sa pagitan ng tatlo hanggang limang taon. Ang ginawa lang ng batas ay gawing mas simple at pare-pareho ang sistema, isara ang mga butas sa lumang patakaran, at iayon ito sa matagal nang polisiya sa buwis.
Pero ngayon, si Recto pa ang sinisisi. Hindi ito makatarungan. Hindi siya ang may gawa ng batas. Ginagampanan lang niya ang tungkulin niya bilang bahagi ng ehekutibo.
Kung tutuusin, kung may ayaw tayo sa batas, sa Kongreso tayo dapat lumapit. Sila ang may kapangyarihang gumawa at mag-amyenda ng mga batas. Hindi ito laban ng kalihim laban sa publiko.
At siguradong hindi rin ito dahilan para siraan ang opisyal na ginagawa lang ang kanyang tungkulin.
Kung may galit man kayo kay Recto dahil sa ibang isyu gaya ng PhilHealth fund transfer, ibang usapan ‘yon. Pero sa usapin ng CMEPA, malinaw na ginagawa lang niya ang trabaho niya.
Bukod sa pagpapatupad ng batas, patuloy rin ang Department of Finance sa pagtataguyod ng fiscal discipline, pagbabawas ng utang, pag-iwas sa bagong pabigat na buwis para sa mahihirap, pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at pagpapatatag ng ekonomiya. Kung may dapat bigyang kredito sa mga ito, si Recto ‘yon.
Sa huli, tanungin natin ang sarili natin. Gusto ba nating may opisyal na hindi sumusunod sa batas para lang makaiwas sa init ng publiko? O mas gusto natin ng opisyal na ginagampanan ang tungkulin niya nang tama at maayos?
Tama na ang sisihan. Bigyan natin ng pagkilala ang mga gumagawa ng trabaho nila nang maayos.
