AT YOUR SERVICE NI KA FRANCIS
ILANG tulog na lang papasok na ang unang buwan ng ber months, September maglalabasan na naman ang scammers sa social media kaya mag-ingat tayong lahat.
Pagdating ng ber months kasi kaliwa’t kanan ang mga okasyon na dinadaluhan ng mga Pilipino at kahit paano sa mga buwan na ito ay medyo nakakaginhawa na ang mga tao.
May ilang kumpanya ang ibinibigay na ang kalahati ng 13th month pay para sa kanilang mga empleyado kaya hindi masyadong hirap sa buhay ang mga Pilipino.
Kaya naman ilan sa ating mga kababayan ay September pa lang naglalagay na ng kanilang mga palamuti para sa darating na Pasko.
Nakalipas na rin ang panahon ng tag-ulan kaya malaya nang nakakapaghanapbuhay ang lahi ni Juan Dela Cruz, sa madali’t sabi back to normal ang kilos ng mga tao.
Pagdating naman ng November nariyan naman ang tradisyunal na pagdiriwang ng mga Katoliko ng Pista ng mga patay at kasunod nito ang buwan ng Disyembre na sabay-sabay na ang paglalagay ng mga dekorasyon tulad ng parol, Christmas tree, at iba pa.
Mayroong mga kumpanya na unang linggo pa lang ng Disyembre ay nagkakaroon ng tinatawag nilang year-end o Christmas party.
Sa kaliwa’t kanang okasyon na ito ng mga Pilipino, sinasamantala ng mga scammer ang kanilang modus dahil alam nila na ang panahon na ito ay medyo nakakaluwag na ang mga tao pagdating sa pera.
Sa panahon ding ito maraming pangangailangan ang bawat Pilipino tulad ng mga inaasahang padala mula sa kanilang mga kamag-anak mula sa abroad partikular sa overseas Filipino workers (OFWs).
Dito na pumapasok ang scammers, gagawa sila ng paraan kung paano nila makokontak ang kanilang bibiktimahin.
Nariyan na magpapakilala ang scammer na isa siyang lehitimong tauhan ng Bureau of Customs at sasabihin niya sa kanyang bibiktimahin na may bagahe ito na nakabinbin sa kanila. Maaari lamang makuha ang padala kapag nabayaran ang buwis sa kanila.
Kapag nakumbinsi na ng scammer ang kanyang biktima ay agad na ibibigay nito ang impormasyon kung paano ipadadala ang pera.
Kapag naipadala na ang pera, ay hindi na makokontak ng biktima ang scammer at dun niya na malalaman na na-scam na siya.
Kamakalawa, nakatanggap tayo ng balita na isang ginang na umano’y nagbebenta ng abortion pills ang hinuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos isumbong ng delivery rider ang modus ng suspek sa Maynila.
Nadakip ng mga tauhan ng NBI Dangerous Drugs Division sa Maynila ang suspek sa inilatag na entrapment operation noong Hulyo 14.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, nadakip ang suspek makaraang makipagtransaksyon ang isa nilang tauhan sa online selling nito ng “Do It Yourself” abortion kit.
Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration (FDA) Law, Cybercrime Prevention Act at Pharmacy Law.
Dobleng ingat po tayo nang hindi tayo mabiktima ng mga masasamang loob na paikot-ikot lang at naghahanap ng kanilang maloloko.
oOo
Para sa inyong katanungan maaari po kayong magtext sa cel# 0917-861-0106.
