PAGLAGI NI PBBM SA BLAIR HOUSE, MAKASAYSAYAN – AMB. ROMUALDEZ

BINIGYANG-DIIN ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez ang kahalagahan ng paglagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Blair House sa Washington, D.C. sa kanyang tatlong araw na official visit.

Sa panayam ng mga miyembro ng Philippine media sa Philippine Embassy nitong Linggo bago ang pagdating ni Pangulong Marcos, sinabi ni Romualdez na may malaking ibig sabihin ang paanyaya ni United States President Donald Trump na doon tumuloy ang Pangulo.

“Kapag inimbitahan kang tumira sa presidential guest house dito sa Washington, ibig sabihin ay binibigyan ka ng malaking importansya ng host mo,” ani Romualdez. “At ang paglagi mo roon ay may bigat.”

Ayon pa kay Romualdez, may personal na koneksyon sina Trump at ang Pangulo, lalo na’t kilala na raw ni Trump noon pa si dating First Lady Imelda Marcos.

Binalikan din ni Romualdez ang kasaysayan ng Blair House para sa mga Pilipino. Nabanggit niyang noong panahon ni dating US President Ronald Reagan, tumuloy rin sa Blair House ang mga magulang ni Marcos Jr.—ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos at Imelda Marcos. Noong panahong iyon, journalist pa si Romualdez at nagko-cover ng biyahe.

“Kaya para sa akin, surreal siya. Malaking bagay ito, kasi ngayon, si President Marcos Jr. naman ang magiging guest sa Blair House,” aniya.

Ang Blair House ay kilala bilang official guest house ng US President para sa mga foreign head of state. Bukod sa pagiging historical site, nagsilbi rin itong lugar para sa mga diplomatic event at pansamantalang tinirhan ni dating US President Harry Truman.

101

Related posts

Leave a Comment