3K TAUHAN NG PASIG LGU NAKAALERTO SA PAGTAAS NG WATER LEVEL NG LAGUNA DE BAY

NAKAALERTO ang tatlong libong mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Pasig City na naka-assign bilang bahagi ng incident management team bunsod ng heavy rainfall warning at binabantayang water level ng Laguna de Bay.

Ayon sa social media post ni Mayor Vico Sotto, umabot na umano sa “critical high threshold” o nasa 12.5 metro na nitong Hulyo 24 ang nasabing lawa na nangangahulugang tataas ulit ang tubig sa mga ilog ng Pasig at magiging mabagal ang pagbaba nito.

“Our people remain ready and equipment prepositioned. Evacuation sites also. Nagsimula na rin po pala tayo sa clearing ops. Kapag umaraw mag-asphalting/patching na rin tayo ng kalsada,” ang pahayag ni Sotto.

Sa pinakahuling ulat, nasa 13 evacuation centers sa 10 barangay ng lungsod ang nakabukas at may nananatili pang mga lumikas na kinabibilangan ng 851 pamilya na binubuo ng 3,002 indibidwal.

Ito ay ang mga nasa B. Tatco covered court, Bagong Ilog Elementary School sa Brgy. Bagong Ilog; Dela Paz multipurpose hall-Karangalan sa Brgy. Dela Paz at Nagpayong multi-purpose hall, Balsancat (E. Santos) covered court sa Brgy. Pinagbuhatan.

Manggahan multipurpose hall sa Brgy. Manggahan; Maybunga Elementary School Annex, Westbank Community Center Annex sa Brgy. Maybunga at San Joaquin Elementary School sa Brgy. San Joaquin.

Ang iba pang pamilya ay nasa Ilaya Covered Court sa Brgy. Santolan; Bluegrass multipurpose hall sa Brgy. Rosario; De Castro Elementary School sa Brgy. Sta. Lucia at Ugong barangay hall parking lot sa Brgy. Ugong.

Sinabi pa ni Sotto na may iba pang evacuation centers na kasalukuyang on-standby at handang magbukas kung kakailanganin dahil sa patuloy na pag-ulan na nagdudulot ng pagbaha.

Samantala, idinagdag pa ng alkalde na binuksan din ng lokal na pamahalaan ang tanggapan na nag-aasikaso at nag-iisyu ng death certificate kahit bumabagyo.

“Sarado po dapat ang mga tanggapan ng pamahalaan dahil sa habagat at sa deklarasyon ng nasyonal ngunit minabuti na po ng LGU na buksan na ngayon, July 24, Thurs, ang opisina para sa death registration at issuance ng death certificate. Sinama na natin sila sa bilang ng “essential personnel,”‘ ang pahayag ni Sotto.

“Ang totoo, ang staff pa ng CCRD (City Civil Registry Department) ng Local Civil Registry (LCR) ang nag-request na payagan na silang pumasok. Nakakaawa po kasi [dahil kung] isipin natin [halimbawa] kung Biyernes (ng hapon0 tayo namatayan, tapos weekend, tapos walang pasok Monday to Thursday…stress, dagdag gastos, mahihirapan ang mga kamag-anak galing probinsya, etc.,” pagtatapos ni Sotto. (NEP CASTILLO)

121

Related posts

Leave a Comment