INAASAHANG pangungunahan ng dalawang Manila congressmen ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero kung saan itinuturing na suspek ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Lumitaw ito matapos mahalal muli bilang chairman ng House committee on human rights si Manila 6th District Congressman Bienvenido “Benny” Abante Jr., at Manila 2nd District Rolan Valeriano bilang chairman ng House committee on public order and safety.
“I am grateful for the opportunity to continue the work we started; there is still much we need to do,” ayon kay Abante matapos mahalal muling chairman ng human rights committee kung saan idinagdag nito na “If there are those who think they have escaped the clutches of the law, they are mistaken. The long arm of the law has not been cut off—it is only drawing back to strike at the right time”.
Nahalal naman bilang chairman ng House committee on dangerous drugs si Bukidnon Rep. Keith Flores habang nakatakdang pangalanan pa lamang ang mamumuno sa committee on public accounts.
Ang mga nabanggit na komite ay nagsama-sama noong 19th Congress at tinawag na Quad Committee na nag-imbestiga sa ilegal na droga, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at Extrajudicial killings (EJK) ng nakaraang administrasyon.
Muling bubuuin ang nasabing komite ngayong 20th Congress na inaasahang unang isasalang ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy ang nagturo kay Ang na nasa likod ng krimen kasama ang mga pulis na umano’y dumukot at pumatay sa mga biktima.
Samantala, itinalaga naman bilang chairman ng makapangyarihang House committee on appropriations si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, Marikina Rep. Miro Quimbo bilang chairman ng committee on ways and means.
Tatayong chairman ng Committee on Accounts na dating pinangasiwaan ng misis ni Romualdez na si Tingog party-list Rep. Yedda Marie sina Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora habang si Cagayan de Oro City Rep. Lordan Suan ay inupong chairman ng committee on public information.
Nanatiling chairman naman ng committee on government and public accountability si Manila Rep. Joel Chua na nanguna sa pag-iimbestiga sa kwestiyonableng paggamit umano ni Vice President Sara Duterte sa kanyang confidential funds noong nakaraang Kongreso.
(BERNARD TAGUINOD)
317 