P612.5-M CONFI FUNDS MULING UURIRATIN SA BUDGET HEARING

MULING tatanungin si Vice President Sara Duterte sa kanyang confidential funds na mahigit anim na raang milyong piso sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) na isa sa mga dahilan kung bakit ipina-impeach ito ng Kamara.

Bukas, Miyerkoles ay inaasahang isusumite na ng Malacanang sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang 2026 National Budget na nagkakahalaga ng P6.793 Trilyon.

“To the Vice President, eager na eager na po tayo na marinig ang sagot niyo at ipakita ang inyong ebidensya,” ani House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio sa ambush interview kahapon.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil matapos aniyang ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay Duterte at i-archived ito ng Senado ay biglang sinabi ni Duterte na gusto na niyang ilabas ang ebidensya kung papaano nito ginagamit ang kanyang confidential funds.

Noong 2023, binigyan ng P650 million na confidential funds si Duterte kung saan P500 million dito ay para sa OVP at P150 Million sa Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamumunuan.

Sa nasabing halaga P612.5 million dito ang naubos ng Pangalawang Pangulo kung saan lumabas sa pagdinig ng Kamara na marami sa beneficiaries ng nasabing pondo ay gawa-gawa ang pangalan tulad ng Mary Grace Piattos, Chel Diokno, Marian Rivera at iba pa.

Ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Renee Co, matagal nang naghihintay ang publiko na ilabas ni Duterte ang kanyang mga ebidensya subalit hindi niya ito ginagawa kahit noong magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara at maging sa pagharap nito sa budget hearing noong nakaraang taon.

“Wala namang kaso kung voluntary niyang ilalabas ‘yun na gusto raw niyang gawin. Not only our people and various institutions are long been waiting to release yung answers niya kung nasan ba itong P612.5 million confidential funds,” ani Co.

Dahil dito, hinamon ni Co si Duterte na dumalo sa budget hearing ng OVP at ilabas na ang kanyang mga ebidensya para malinis na ang kanyang pangalan.

(BERNARD TAGUINOD)

26

Related posts

Leave a Comment