CAVITE – Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaking nasa listahan ng high value individuals (HVIs), sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang suspek na si alyas “Kuya”, nasa hustong gulang, ng Brgy. Habay 1, Bacoor City.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang Regional Police Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni PLt. Col. Wilfredo Jimenez Jr., kasama ang Bacoor Component City Police Station, sa Tirona Highway, Brgy. Habay 1, Bacoor City, bandang alas-12:50 ng gabi.
Nang nag-abutan na ng ilegal na droga sa pagitan ng suspek at poseur buyer, sumenyas ang huli na nagresulta sa pagkakaaresto kay Kuya.
Nakumpiska sa suspek ang limang pirasong vacuum sealed transparent plastic ng hinihinalang marijuana na tumitimbang ng 5 kilograms na may standard drug price na P375,000.00, buy-bust money at isang itim na Toyota Grandia.
(SIGFRED ADSUARA)
