KATARUNGAN CARAVAN BINITBIT NG DOJAC SA NORTHERN SAMAR

BINITBIT ng Department of Justice Action Center (DOJAC) at katuwang na mga ahensya ang Katarungan Caravan sa Catarman, Northern Samar noong Agosto 8, 2025 para maghatid ng libreng serbisyong legal sa mahigit 500 residente.

Katuwang dito ang National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Land Registration Authority, Public Attorney’s Office, Integrated Bar of the Philippines–Northern Samar Chapter, Inter-Agency Council against Trafficking, National Prosecution Service-Region VIII, mga tanggapan ng piskal sa probinsya at lungsod, at Pamahalaang Panlalawigan.

Kabilang sa libreng serbisyo ang legal na konsultasyon, notaryo, NBI at prosecutor’s clearance, payo sa pagpaparehistro ng lupa, at tulong sa isyung pang-imigrasyon.

Pinangunahan nina Gov. Harris Ongchuan at Cong. Edwin Ongchuan ang pagbubukas ng programa, na sinabayan ng Justice in Action Lecture Series tungkol sa Safe Spaces Act, Katarungang Pambarangay, Anti-Trafficking Laws at Witness Protection Program.

Binigyang-diin ni DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez na layon ng Katarungan Caravan na gawing abot-kamay ang hustisya at gawing pantay ang access dito para sa lahat.

(JULIET PACOT)

89

Related posts

Leave a Comment