Sa tamang forum ISYU SA CONFI FUNDS IPALILIWANAG NI VP SARA

HANDA si Vice President Sara Duterte at kanyang kampo na sagutin sa tamang forum ang mga alegasyon kaugnay sa umano’y maling paggamit ng kanyang tanggapan sa kanyang confidential funds kahit pa may pagbabago sa kanyang impeachment case.

“Kung may kaso, sa tamang forum mag-eexplain kami. Nagsabi kami noong nag-file sila ng articles of impeachment nila na ready ang defense team na sumagot sa accusations ng prosecutors ng House,” ang sinabi ni VP Sara sa sidelines ng Kadayawan Festival sa Davao City.

“Noong umakyat sa Supreme Court ang kaso, lahat ng hiningi ng Supreme Court ay ibinigay namin. Doon sa mga tamang forum at tamang venue, nagbibigay kami ng saktong sagot at nagbibigay kami… ng explanation sa mga accusations,” dagdag na wika nito.

Hindi pwede na moro-moro na kung saan lang nagbibigay ng akusasyon at kung saan, kung kelan lang nila gusto mag-akusa ng tao,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, may kabuuang 19 senador ang bumoto na i-archive ang impeachment complaint laban kay VP Sara.

Para naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pag-archive ng Senado sa articles of impeachment laban kay VP Sara ay hindi nangangahulugang na-dismiss na rin ang reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na walang kinalaman ang gobyerno sa naging desisyon ng Senado na i-archive ang articles of impeachment.

Muli nitong inihayag na hindi siya makikialam sa impeachment case laban kay VP Sara.

Habitual Absence

Samantala, sinabi ni VP Sara na walang basehan ang paratang sa kanya na palagiang pagliban sa trabaho.

“Alam niyo, ang akusasyon na walang basehan ay isang paninira lamang. Ganyan ang lagi nilang ginagawa.”

Tugon niya ito sa paratang na siya’y laging absent sa kanyang tungkulin.

Sa ulat, pinuna ni ACT Teachers Party­list Rep. Antonio Tinio ang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa ni VP Sara na nakaapekto umano sa kanyang performance.

Binigyang-diin ni Tinio na bilang isang halal na Bise Presidente ay hindi dapat kaligtaan ni VP Sara ang tungkulin nito sa bayan bilang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa.

“Kapag ordinaryong kawani lalo na kapag titser na absent sa school ay may bawas sa sahod o sinisita ng kanilang mga superiors habang ang Bise Presidente naman ay walang tigil sa paglamyerda,” saad ni Tinio.

Simula Marso ay pabalik-balik na si VP Sara sa The Hague, Netherlands upang bisitahin ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte na lilitisin ng International Criminal Court (ICC).

Subalit sa isang panayam, ang bwelta ni VP Sara ay “Habitual absence saan? Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi nila na habitual absence.”

Para naman kay OVP Spokesperson Ruth Castelo, aktibong nakatutok pa rin si VP Sara sa mga programa ng opisina kahit wala siya sa bansa.

(CHRISTIAN DALE)

95

Related posts

Leave a Comment