HINIKAYAT ng Malakanyang sina Senador Panfilo Lacson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na direktang magsumbong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa kanilang nalalaman ukol sa may 67 kongresista na sinasabing sangkot sa paggamit ng mga pekeng contractor bilang front sa mga proyekto.
“Idiretso na nila ito sa Pangulo kung mayroon silang partikular na pangalan na alam at para po mas mabilis ang pag-iimbestiga, welcome po lahat iyan at bigyan lang po nila ng kumpletong detalye,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Sabi nga po ng Pangulo, ayaw naman po nila tayo, ng Palasyo, ayaw naman po nating magkaroon ng witch hunting na kahit wala pa pong ebidensiya, eh parang nalaman mo lang, ayon may anomalya, pero walang ebidensya, mahirap naman po, kasi baka iyong ibang inosente ay madamay,” dagdag na pahayag ni Castro.
Sa ulat, may 67 miyembro ng Kamara de Representantes ang diumano’y naging contractor ng kanilang government-funded infrastructure projects noong 2022, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Sa isang panayam, binanggit ni Lacson ang naging usapan nila ng kapwa niya mambabatas sa simula ng 19th Congress, kung saan ibinunyag sa kanya na 67 kongresista ang may construction business at nangongontrata sa mga proyektong kanilang pinondohan.
Ang pagsisiwalat ni Lacson ay bilang bahagi ng kanyang panawagan na magkaroon ng audit o pagbusisi sa bilyong pisong pondo sa flood control partikular ang mga isiningit sa bicameral conference deliberation ng 2025 national budget.
Ani Lacson, ang mga flood control project ang isa pangunahing source ng korupsyon, lalo na ang dredging o paghuhukay, kung saan ang kickback ay umaabot sa 50% ng halaga ng proyekto.
(CHRISTIAN DALE)
