‘Di matanggap pagkatalo STELLA NAGHAIN NG PROTESTA VS MAAN

NAGSAMPA si dating kongresista Stella Quimbo ng election protest laban kay Marikina City Mayor Maan Teodoro dahil umano sa iregularidad, anomalya, at pandaraya.

Nanalo si Teodoro sa halalan para sa pagka-alkalde noong 2025 bitbit ang kalamangan na 31,394 boto matapos makakuha ng 142,814 boto kumpara sa 111,420 lang ni Quimbo.

Sa kanyang memorandum noong Agosto 8, 2025, iginiit ni Quimbo na nabahiran ng duda ang halalan dahil sa mga sira at maling pagbasa ng Automated Counting Machines (ACMs), umano’y lantarang pamimili ng boto, at mga balotang mula sa priority polling precincts na hindi naipasok at nabilang sa ACMs.

“Bunga ng mga aberya sa pagbasa ng mga balota, umabot sa hindi bababa sa 1,672 boto para sa Mayor ang hindi nabasa at nabilang ng ACMs,” nakasaad sa memorandum ni Quimbo.

“Bukod pa rito, may mga balidong balota na naglalaman ng boto para kay Quimbo na hindi nabilang pabor sa kaniya,” dagdag pa ng memorandum, na nagsabing ang mga pangyayaring ito’y nagdudulot ng pagdududa sa integridad ng resulta ng halalan.

Binanggit din ni Quimbo ang may ilang pagkakataon na nakalimutan ng Electoral Board na ipasok sa ACM ang 56 balota mula sa Priority Polling Precinct.

“To say that these incidents undermined the true will of the electorate is an understatement. Had these ballots been counted, the result of the election for Mayor would have been different,” giit pa niya.

Maliban sa mga isyung teknikal, iginiit ni Quimbo na nakitaan ng kahina-hinalang kilos ang ilang tauhan ng Department of Education. Isang halimbawa umano ang principal ng Parang Elementary School na biglang nagpatawag ng pagpupulong sa oras ng preliminaries bago magsimula ang botohan.

“Bilang resulta, walang nakasaksi kung mayroong zero votes ang ACM bago magsimula ang pagboto,” ani Quimbo.

May mga pagkakataon din umano na pinaalis ang mga tagasuporta at pollwatchers ni Quimbo sa presinto, habang may botanteng pinigilang makaboto kahit hindi pa alas-siyete ng gabi.

Bilang patunay ng pandaraya, sinabi ni Quimbo na isang hindi nakilalang lalaki ang namataang pumasok sa presinto ng Malanday Elementary School na may dalang pre-shaded ballot, habang isa pang lalaki ang nakita na nagpasok umano ng USB sa ACM nang walang pahintulot.

Hiniling ni Quimbo sa Commission na maglabas ng kautusan para sa agarang koleksyon at pagkuha ng lahat ng ballot boxes mula sa 363 merged/clustered precincts na ginamit sa nakaraang halalan, at magsagawa ng recount, revision, re-appreciation ng mga balota, at masusing pagsusuri ng election documents.

54

Related posts

Leave a Comment