DAPAT PA RING MANAGOT SI EX-MWSS CHAIRMAN VELASCO

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Kailangan pa ring managot ang dating Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chairman Reynaldo Velasco sa nangyaring shortage ng tubig nitong tag-init, bagama’t tinanggal na siya sa puwesto ni President Rodrigo Duterte.

Pinalitan na siya ni PBrigGen Ricardo Morales bilang chairman ng MWSS.

Napakalaking epekto sa mga residente sa National Capital Region at karatig-lalawigan ang pagkawala ng tubig. Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, hindi pwede na maabswelto sa pananagutan si ex-Chairman Velasco dahil tinanggal na siya sa puwesto. Dapat pa rin siyang managot sa kanyang kapabayaan na nagdulot ng pagkawala ng tubig sa maraming bahagi ng Metro Manila. Ang pinaka-minimum rito ay kasuhan siya sa Ombudsman.

Mahigit 20 na ang mga dating high-ranking military officers sa mga iba’t ibang puwesto ng gobyerno-sibil sa ilalim ng administras­yong Duterte. Kabilang na rito ang mga susing ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Natural Resources, at ng Department of the Interior and Local Government. Sa pagkakapuwesto ng isa na namang militar sa isang ahensya, lalo na sa namamahala sa tubig, hinahamon natin siya na siguraduhin ang supply ng tubig sa Kamaynilaan. Dapat din niyang pangalagaan ang kalikasan na nagsisilbing watershed. Dapat din niyang protektahan ang mga katutubong mamamayan na nakaambang palayasin sa kanilang lupang ninuno ng mga negosyo sa tubig at dam. Dapat siyang tumindig laban sa patuloy na pagtaas ng singil sa tubig dulot sa patuloy na pagsasapribado ng mga water districts. Gayundin, dapat niyang itulak ang pananagutan ni dating MWSS Chairman Velasco sa nangyaring water shortage.

Ang mga pagkapwesto sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay may malaking pananagutan sa mamamayan. Hindi lamang ito dapat porma ng ‘reward’ sa mga kaalyado kundi pagtangan ng res­ponsibilidad at serbisyo sa mamamayan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

142

Related posts

Leave a Comment