THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
MATUNOG na usapan ngayon hindi lang sa industriya ng media kundi pati na sa social media, ang trending na pahayag ni Pasig Mayor Vico Sotto tungkol sa mga umereng istorya ng buhay ng mag-asawang Discaya na nasasangkot ngayon sa kontrobersiya bilang contractor ng flood control projects.
Bukod sa pagtuligsa sa pinanggalingan ng yaman ng mga Discaya, naging mainit din ang usapan sa pag-akusa ni Mayor Vico na tumatanggap umano ng bayad ang ilang media personalities para mag-interview at mailabas ang istorya sa kanilang mga programa.
Para sa marami, hindi naman big deal ang ganito lalo na’t mahilig naman tayo sa mga human interest na kwento at iba pang lifestyle content na nagbibigay aliw. Pero ang puna ng naturang mayor ay nagbukas ng mas malalim na usapin tungkol sa kredibilidad at responsibilidad ng media at ang papel nila bilang ikaapat na estado ng lipunan.
Bahagi ng papel na ginagampanan ng media sa lipunan ang magsilbing bantay o watchdog, hindi lamang ng demokrasya kundi ng mahahalagang mga isyu sa lipunan. May kakayahan ang media na magbigay ng impormasyon at magbunyag ng katotohanan kaya nga kapag may mga senyales ng kompromiso—kahit sa isang tingin ay “magaan” na seksyon tulad ng lifestyle—posibleng magkaroon ng epekto sa kredibilidad ng buong institusyon ng pamamahayag.
Marami ngang umaray sa naging pahayag ni Mayor Vico, at yung isa pang pahayag na sumagot at bumanat dito, hindi lang basta emosyonal kundi talaga namang may halong panunumbat at pagbabanta.
Pero ang malinaw rito, kahit ano pang aspeto ng journalism — hindi dapat maliitin at may kaakibat na matinding responsibilidad sa paghubog ng kamalayan at pagtingin ng publiko sa mga personalidad at mga importanteng usapin sa lipunan.
Importante ang mga kwento tungkol sa kultura, sining, pagkain, at pamumuhay sa pagpapalalim ng pang-unawa ng publiko — kaya kaakibat nito ang responsibilidad na iwasang magamit ang mga ito sa matinding propaganda.
Hindi naman masama ang lifestyle journalism per se pero kapag nahahaluan ng bayad at impluwensya, maaaring maging instrumento ito ng mga makapangyarihan at may pera.
Kaya nga mahalaga ang transparency at malinaw na pamantayan sa mga sponsored content o advertorials. Hindi rin maikakaila ang matinding pressure sa mga newsroom dahil sa kakulangan ng resources at pag-asa sa advertising revenue. Kaya hamon din sa media kung paano ibabalanse ito sa journalism.
Kung tutuusin, maaaring tingnan ang sinabi ni Mayor Vico hindi bilang insulto, kundi bilang paalala. Totoo, maaaring masakit at hindi patas para sa mga lifestyle journalists na mapuna nang ganito, lalo na’t marami rin sa kanila ang matapat at nagsusumikap na panatilihin ang integridad sa kanilang trabaho. Pero hamon din ito sa buong industriya, para palakasin pa lalo ang sariling paninindigan at siguruhing walang nakokompromiso at hindi sila nagagamit para manloko ng tao.
Mahalaga ring tandaan na sensitibo ang ugnayan ng media at mga public official. May tungkulin ang mga lider na maging bukas sa pagsusuri, at may tungkulin ang media na mag-ulat nang tapat at ipakita ang lahat ng anggulo ng istorya para mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko para sila mismo ang humusga.
Iisa lang naman dapat ang paglingkuran ng parehong panig — ang publiko. May obligasyon ang mga lider sa lipunan at public officials na magsilbi nang may integridad, at obligasyon naman ng media na maghatid ng balanse at tamang impormasyon.
Hindi mabubuo ang tiwala sa pamahalaan kung walang malayang media, at hindi rin magiging makabuluhan ang pamamahayag kung hindi ito nakaugat sa interes ng taumbayan.
