NAGPATIKIM na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanilang isasagawang full blown investigation sa tinaguriang “missing sabungeros” upang mabigyan ng katarungan ang pamilya ng mga ito.
Bagama’t ang Quad Committee ang pormal na magsasagawa ng imbestigasyon, nagpatawag ng ‘briefing” si House committee on human rights chairman at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., kahapon.
“We gather this morning not only to organize ourselves as a committee, but also to confront one of the most disturbing cases of human rights violations in recent years: the disappearance of more than 30 sabungeros. This is a case that has haunted our country since January 2022,” ani Abante.
Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Eliseo Cruz sa komite na umaabot na umano sa 401 “human skeletal remains” ang narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Taal Lake mula nang simulan ang pagsisid noong July 11.
Gayunpaman, wala pa umanong tumutugma sa DNA samples ng mga nawawalang sabungero sa ilang buto na isinailalim sa forensic examination dahil ayon kay Cruz, ay may mga kaanak ng mga biktima ang “nagpabayad na” at hindi na nagsampa ng kaso.
Ilan rin aniya sa problema ay marami na sa human remains na narekober sa Taal Lake ay hindi na makunan ng samples dahil sa tagal na pagkababad sa tubig.
Samantala, hindi pa itinakda ang pormal na imbestigasyon ng Quad Comm sa nasabing kaso subalit sinabi ni Abante na unang ipatatawag ang mga kaanak ng mga missing sabungero at ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Magugunita na itinuro ni Patidongan ang kanyang dating among si Charlie “Atong” Ang na nasa likod umano ng pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero na itinatanggi naman ng negosyante.
Si Patidongan din ang nagturo kung saang parte sa Taal Lake itinapon ang mga sabungero.
(BERNARD TAGUINOD)
