SPECIAL AUDIT SA MBHTE-BARMM UKOL SA KATIWALIAN – COA

MARIING ipinag-utos ni Commission on Audit (COA) Chairman Gamaliel A. Cordoba ang pagsasagawa ng special audit laban kay Minister Mohagher M. Iqbal ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay ng umano’y reklamo ng anomalya sa paggamit ng pera ng taong bayan.

Sinabi sa ulat na ang special audit ay reaksyon sa dalawang natatanging complaints laban kay Iqbal hinggil sa umano’y maanomalyang disbursement na may kabuuang halaga na P2.2 bilyon.

Sa kanyang sulat noong Agosto 11, 2025 kay BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua, sinabi ni Cordoba na may nakitang basehan upang imbestigahan ang dalawang reklamong inihain laban kay Iqbal.

“Following the initial review by the relevant COA offices, the complaints merit the conduct of a special audit,” ang wika ni Cordoba.

Sa unang kaso, nagpalabas ng P1.77 bilyong bayad ang MBHTE sa loob lamang ng isang araw na hindi dumaan sa tinatawag na standard review process ng Finance Division, para sa ilang indibidwal, kasama na ang kahero.

Ayon sa news reports, ang naturang P1.7 bilyong halaga ay bayad para sa Learners’ and Teachers’ Kits noong Marso 7, 2025. Hindi umano ito dumaan sa review at pirma ng Finance Division chief base sa government rules and policies.

Nabatid pa sa ulat na ang MBHTE ang may pinakamalaking budget sa buong BARMM na nagkakahalaga ng P36 bilyon, o halos one-third ng budget ng buong Regional Government. Sa kabila nito, hindi pa rin naging maayos ang kalagayan ng edukasyon sa rehiyon sa loob ng 6 na taon.

Ang ikalawang sumbong na iimbestigahan din ay tungkol sa ibinayad sa isang supplier na nagkakahalaga ng P449 milyon na ginawa rin sa loob ng isang araw sa kaduda-dudang kadahilanan.

Ayon kay Cordoba, nagbubuo na ng isang COA special audit team na pupunta sa MBHTE upang umpisahan ang masusing imbestigasyon.

“We respectfully request your assistance for the audit team for the entire duration of the audit. We shall coordinate with your office on this matter,” ayon pa sa liham.

Matatandaan na naging laman ng mga balita nitong nakaraang mga buwan ang mga reklamo ng katiwalian sa MBHTE at Ministry of the Interior and Local Government ng BARMM.

(PAOLO SANTOS)

40

Related posts

Leave a Comment