PILILLA LGU NAALARMA SA TUMATAAS NA GASTUSIN SA BASURA

BASURA-8

NAALARMA ang lokal na pamahalaang bayan ng Pililla sa lalawigan ng Rizal bunsod ng tumataas na gastusin sa garbage collection bawat taon.

May pagkabahalang sinabi ni Mayor John Masinsin ang isyung ito sa harap ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps matapos i-post ng alkalde sa social media ang bagay na ito.

“Nananawagan ako sa aking mga kababayan sa Pililla na sana ay mapababa natin ang volume ng hinahakot na basura sa ating bayan nang sa gayon ay mabawasan ang ating ginagastos at ilaan na lamang sa iba pang mga pangangailangan natin,” ang pahayag ni Masinsin.

Batay sa inilabas na datos ng punong bayan, umaabot na sa P9.5-M ang kanilang nagastos sa paghakot ng basura noong 2024, mas mataas ito ng P4.1-M sa nagastos noong 2021 na may kabuuang P5.6-M lamang.

Sinabi pa ng alkalde na kung ikukumpara sa rami ng tao sa kanyang bayan noong 2020 ay tumaas lamang ng 5.8% ang populasyon subalit ang nakalulungkot umano ay nasa 67.77% ang itinaas ng kanilang nakokolektang basura.

Idinagdag pa sa nasabing datos na ang nakokolektang basura ay nahahati sa 31.1% nabubulok, 30.6 % recyclable, 19.7% ang disposable, 8.4% ang residual at 10.2% ang special waste.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang kanyang mga kababayan na may batas na umiiral hinggil sa waste segregation kaya umaapela siya na pagtiyagaang isagawa ang recycling at composting upang makabawas sa problema sa basura.

Sa kasalukuyan ay mahigpit nang ipinatutupad sa mga empleyado ng pamahalaang bayan ang pagbabawal sa pagdadala ng mga single use plastic, bottled water at iba pang produkto na ginagamitan ng plastic.

“Minabuti na rin namin na magkaroon ng telephone hotline para maitawag ng mga kababayan namin ang mga isyung may kinalaman sa problema sa kapaligiran,” giit pa ni Masinsin.

(NEP CASTILLO)

40

Related posts

Leave a Comment