INIHAIN ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 95 o Universal Social Pension for Senior Citizens na naglalayong magbigay ng pantay na pensyon sa lahat ng nakatatanda, anoman ang kanilang estado sa buhay.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng senior citizen ay makatatanggap ng buwanang stipend na hindi bababa sa ₱500, at tataas ito sa ₱1,000 sa loob ng limang taon, kahit pa mayroon na silang natatanggap na ibang pensyon.
Binigyang-diin ni Villar na panahon nang amyendahan ang Republic Act No. 7432 upang matugunan ang mabilis na paglaki ng bilang ng mga nakatatanda sa bansa, na inaasahang aabot sa halos 24 milyon pagsapit ng 2050.
Dagdag pa niya, dapat regular na masuri ng Department of Budget and Management ang pamamahagi ng pensyon upang matiyak na ito’y naaayon sa pangangailangan at kalagayan ng mga senior citizen.
(DANNY BACOLOD)
