NAGTAKDA ng oras ng curfew para sa mga menor de edad ang barangay Fort Bonifacio magmula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon kay Barangay Captain Sonny Vertulfo, ng Fort Bonifacio, pinagbabawal na lumabas ng bahay at gumala ang mga may edad 18 pababa sa loob ng oras ng itinakdang curfew.
Gayunman, nilinaw ng barangay na papayagang lumabas ang mga menor de edad na may kasamang magulang o legal guardian at may sapat na dahilan.
Sinabi ni Vertulfo na ang curfew ay hindi lamang simpleng pagbabawal, kundi isang paraan upang gabayan ang mga kabataan tungo sa ligtas, disiplinado, at maayos na pamumuhay. Ito ay hakbang ng pamahalaan at pamayanan upang tiyakin na ang kabataan ay lumalaking may direksyon at malasakit sa sarili, pamilya, at bayan.
Binigyan diin na ang pagpapataw ng curfew ay naglalayong protektahan ang mga kabataan mula sa mga posibleng panganib sa gabi, maiwasan ang mga aktibidad na maaaring makagambala sa kaayusan at kapayapaan ng komunidad, at matiyak ang kapayapaan sa gabi at mabawasan ang mga insidente ng krimen.
Sinabi rin nito na ang mga nasa hustong gulang na walang malinaw na dahilan sa paglabas ay maaari ring tanungin ng barangay tanod o awtoridad.
Bukod dito, nilimitahan ng barangay ang oras sa paggamit ng karaoke o videoke hanggang alas-10:00 ng gabi mula Linggo hanggang Huwebes, at hanggang alas-11:00 ng gabi mula Biyernes hanggang Sabado.
“Ang mga mahuhuling lalabag, kasama ang kanilang mga magulang ay maaaring patawan ng unang babala, community service o iba pang resulta na kaparusahan na nakaakibat sa ordinansa ng barangay at lungsod,” diin ng barangay.
(CHAI JULIAN)
52
