TARGET ni KA REX CAYANONG
DISMAYADO raw ang pamilya Discaya matapos bawiin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na construction firms na umano’y konektado sa kanila.
Ang masakit, ginawa raw ito nang hindi dumaan sa tamang due process.
Ayon sa kanilang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego III, malinaw na may hearing pa sa PCAB at may nakalaan pang 30 araw para magsumite ng mga dokumento.
Humingi pa raw sila ng extension, pero bago pa man makapagsumite, bigla na lang kinansela ang kanilang mga lisensya.
Aba, ang basehan pa raw nito ay testimonya ni Mrs. Sarah Discaya sa Senado.
Sa puntong ito, mahalagang paalalahanan ang pamahalaan na ang due process ay pundasyon ng hustisya.
Hindi maaaring basta na lang magpatupad ng kaparusahan kung hindi pa tapos ang imbestigasyon.
Kung totoo ang paratang, hayaang lumabas ito sa tamang proseso at hindi sa pamamagitan ng madaliang desisyon.
Tunay na ang pagpapatupad ng batas ay dapat laging nakabatay sa ebidensya at patas na paglilitis.
Kapag minadali, nagiging kahina-hinala at nawawala ang tiwala ng publiko.
Sinasabing ang mga kompanyang may kapasidad at rekord ng serbisyo ay dapat ding bigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili.
Hindi natin sinasabing inosente ang lahat ng sangkot, ngunit ang panig ng pamilya Discaya ay may karapatan ding marinig.
Ang pagkansela ng lisensya nang walang sapat na pagkakataon ay tila isang uri ng “trial by publicity.”
Kung tunay na nais ng pamahalaan na linisin ang mga proyekto sa flood control, gawin ito sa tamang paraan: masusing imbestigasyon, patas na pagdinig, at malinaw na ebidensya.
Sabi nga, doon lamang magkakaroon ng hustisya, hindi lang para sa gobyerno, kundi pati para sa mga taong inakusahan.
