BABAHA NG PROTESTA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMING ganap ngayong linggo. Aba, araw-araw na lang ata ay may nagaganap na umuuga sa katahimikan (sana) ng isipan ng madla.

Mitsa talaga ang maanomalyang flood control projects.

Ang pinakabagong ningas – pagpapalit ng liderato sa Kamara.

Liderato ang nagpalit, hindi mga miyembro kaya dapat ituon ng mga mambabatas ang atensyon para sa interes ng mamamayan.

Pero hindi solusyon sa mga problema, kahirapan at katiwalian ang pagpapalit ng mga lider.

Kung hindi aayusin ang sirang sistema ay malamang mauuwi ito sa pagkabulok.

Aba, bulok na nga ba?

Bago ang lider, ngunit panis ang sistema eh, wala ngang pagbabagong maaasahan.

Kailangan bang masaksihan muna ang malawakang protesta kontra korupsyon sa Setyembre 21.

Baka ito ‘yung pinaka malaking ganap ngayong ber months.

Maraming grupo na ang nagpahayag na dadalo sa pagkilos para sa hustisya at pananagutan.

Marami ang titindig. Babahain ng tao ang Luneta at EDSA sa araw na nataong ika-53 anibersaryo ng martial law.

Hindi huhupa ang baha ng mga protesta hangga’t walang direksyon ang mga imbestigasyon, at walang pananagutin.

Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon o Billion People March ang isang rally. Sa EDSA, tinaguriang “Trillion Peso March”.

Baha ng korupsyon ang gustong supilin kaya pairalin sana ang pagkakaisa anoman ang pangkat na kinaaaniban.

Sana walang pulitika, walang kulay, walang uri ng pananampalataya ang diwa ng pagkilos.

Wala namang kulay ang baha. Hindi nakikialam ang baha sa pananaw tungkol sa pulitika, at walang pinipiling relihiyon ang ragasa ng umaapaw na tubig.

Lahat ay hindi ligtas sa baha.

Ang hindi ligtas ang tao ay sa bumabahang katiwalian na nagpapalubog sa kahirapan at peligro.

Teka, nagpahayag pala si President Marcos Jr. ng suporta para sa protesta laban sa katiwalian.

Huwag daw sisihin ang magmamartsa. Kung hindi raw siya Presidente ay malamang kasama rin siya ng mga nasa kalsada.

Naku, nakikisimpatya at nakikisama.

Presidente ka nga. Hindi kailangan ang presensya mo sa rally. Ang dapat ayusin ng presidente ay mga polisiya.

Hindi sinasakyan ang galit ng taumbayan ng parehong galit ng lider ng bansa.

Ang matinding galit ng taumbayan ay dapat pakalmahin ng pananagutan.

35

Related posts

Leave a Comment