SAMAR – Duguan at wala nang buhay nang matagpuang ng kanyang mga tauhan sa loob ng kanyang quarter ang deputy chief of police ng bayan ng Santa Margarita sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.
Nadiskubre ang bangkay ng isang police lieutenant na duguan nang tatawagin sana siya ng kanyang kasama para maghapunan.
Nakita sa ibabaw ng dibdib ng biktima ang kanyang service firearm, at nabatid na may tama ito ng bala sa ulo.
Ayon kay Police Col. Arwin Tadeo, hepe ng Samar Police Provincial Office, patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.
“Inutusan namin ang Santa Margarita MPS at ang Samar Police Provincial Forensic Unit na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pangyayari,” ani Tadeo.
Bukod dito, humingi rin sila ng tulong sa CIDG Western Samar Provincial Field Unit at NBI Samar Field Office para magsagawa ng sariling imbestigasyon para sa mas malalim na pagsisiyasat sa kaso.
Samantala, sa lalawigan ng Aklan, isa pang pulis ang natagpuang patay rin sa kanyang quarter noong Huwebes ng madaling araw.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, nakarining ang mga pulis ng putok ng baril at pagkatapos ay natagpuan ang hindi na pinangalanang police officer na wala nang buhay sa loob ng kuwarter ng pulisya.
Ayon kay Police Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, ang nasawing 28-anyos na pulis na may ranggong patrolman, ay nakatalaga sa 4th Maneuver Platoon ng 1st Aklan Provincial Mobile Force Company.
Sinabi ni Police Capt. Jover Ponghon, hepe ng Altavas police, nangyari ang insidente dakong alas-4:15 ng madaling araw.
Nakita ang ng biktima na nakahiga sa kanyang kama at tigmak ng dugo katabi ang kanyang cal. 9mm service firearms.
Nagawa pang itakbo ng Altavas Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima sa ospital kung saan idineklara itong dead on arrival.
(JESSE RUIZ)
