TULFO: MGA CASINO NAGBULAG-BULAGAN SA BILYONG PAGSUSUGAL NG DPWH OFFICIALS

NANINIWALA si Senate Committee on Games and Amusement Chairman Sen. Erwin Tulfo na nagbulag-bulagan ang ilang casino at hinayaan lang na isugal ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st Engineering District ang bilyong pisong pera ng bayan.

“Wag nilang sabihin na hindi nila alam na mga taga-gobyerno itong mga opisyal ng DPWH dahil gumamit lang sila ng fake ID,” giit ni Tulfo sa isang panayam. “Akala ko ba mahigpit nilang ipinapatupad yung know your client o KYC policy nila?”

Tinukoy ni Tulfo sina dating DPWH District Engineer Henry Alcantara na gumamit ng alias na Joseph Villegas, Engr. Brice Hernandez na nagpakilala bilang Marvin De Guzman, at Project Engr. Jaypee Mendoza na gumamit ng pangalang Peejay Asuncion.

Ayon kay Tulfo, linggo-linggo ay daan-daang milyong piso ang dala ng mga ito sa casino, ngunit hindi man lang sila itinimbre sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). “Hindi ba sila nagtaka kung ano trabaho o negosyo ng mga ito? Hindi naman sila mga tycoon o galing sa angkan ng mga bilyonaryo,” dagdag ng senador.

Naniniwala si Tulfo na mas pinili ng mga casino na manahimik dahil malaking pera ang kinikita nila mula sa tatlong opisyal. “Kung ginawa lang nila ang responsibilidad nila na tumulong sa AMLC, nahuli agad sina Alcantara, Hernandez, at Mendoza at natigil ang pagnanakaw nila sa pera ng bayan,” aniya.

Dagdag pa ng senador, maghahain siya ng resolusyon para panagutin ang mga casino na nagbubulag-bulagan at hindi nakikipagtulungan sa AMLC upang mapigilan ang korupsyon at money laundering ng mga opisyal ng gobyerno.

95

Related posts

Leave a Comment