HALF-DAY WORK SA GOVERNMENT OFFICES NGAYONG LUNES, SEPT. 22 PARA SA FAMILY WEEK

IDINEKLARA ng Malakanyang ang half-day work sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng Executive branch sa Lunes, Setyembre 22, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 33rd National Family Week at ng “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.

Ayon sa Memorandum Circular (MC) 96 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, suspendido ang trabaho simula ala-1 ng hapon sa naturang petsa.

Gayunman, tuloy pa rin ang operasyon ng mga ahensya na may kinalaman sa basic services, kalusugan, at disaster response para masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Hinimok din ang iba pang sangay ng gobyerno at maging ang private sector na makiisa sa selebrasyon upang bigyan ng oras ang bawat pamilyang Pilipino na magkasama.

Paalala ng Palasyo, ang Family Week ay taunang ginugunita tuwing huling linggo ng Setyembre alinsunod sa Proclamation No. 60 (1992), habang ang Kainang Pamilya Mahalaga Day naman ay tuwing ika-apat na Lunes ng Setyembre batay sa Proclamation No. 326 (2012).

Layon ng pagdiriwang na palakasin ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng lipunan at paalalahanan ang lahat sa kahalagahan ng sabay-sabay na pagkain bilang paraan ng komunikasyon, pagkakaisa, at paghubog ng susunod na henerasyon.

(CHRISTIAN DALE)

53

Related posts

Leave a Comment