SIMULA pa lamang ng paniningil sa mga magnanakaw sa gobyerno ang Trillion Peso March na isinagawa kahapon sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular sa EDSA People Power Monument at Luneta, na dinaluhan ng libu-libong Pilipino.
Ito ang binigyang-diin ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na nagsabing hindi titigil ang mamamayan hanggang hindi napapanagot ang mga sangkot sa pagnanakaw ng pondo, hindi lang sa flood control projects kundi maging sa iba pang programa ng pamahalaan.
“Eto ay simula pa lang ng ating martsa para sa pananagutan. Matagal nang hinahangad ng sambayanang Pilipino na maparusahan ang mga gumagawa ng korapsyon, yung mga magnanakaw. Eto na ang panahon para sa pag-uusig natin,” ani Diokno.
Para naman kay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, mananatiling buhay ang panawagan ng taumbayan kahit mawala ang baha na dulot ng kapabayaan at korupsyon sa flood control.
“Huhupa ang baha, pero hindi dapat humupa ang ating galit. Kasama ang sambayanan, lalo na ang kabataan, bahain natin sila ng pagkilos at panawagan, bahain natin sila ng mga kaso hanggang makulong ang lahat ng sangkot sa malawakang scam na ito,” ani De Lima.
Inihambing pa niya ang flood control scam sa PDAF scam o pork barrel scam na kinasangkutan noon ni Janet Napoles. Aniya, maliit na halaga lamang ang P10 bilyon sa PDAF scam kumpara sa mahigit P1 trilyon na nawawala umano sa flood control projects.
“Pakiusap ko lang po: Pag-alabin natin ang ating galit hindi para humantong sa dahas o karahasan, kundi para sa pananaig ng hustisya at batas,” dagdag niya.
Nabahiran ng Gulo
Samantala, maituturing sanang generally peaceful ang mga protesta nitong Linggo ngunit nadungisan ito ng kaguluhan nang magsimula ng komprontasyon ang isang hindi pa nakikilalang grupo sa Ayala Bridge at sa Peace Arch ng Mendiola.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), inaalam pa ang pagkakakilanlan at motibo ng grupo na nakasuot ng itim at nakamaskara. Sila umano ang nagpasimuno ng pagsira sa barikada ng mga pulis sa Ayala Bridge at nagsunog ng gulong ng isang container van na nagsilbing harang.
Nakunan pa ng video ang ilan sa mga lalaki na nagwawagayway ng watawat ng Pilipinas at bandila ng “Straw Hat Pirates” mula sa sikat na Japanese manga na One Piece habang sinisilaban ang gulong ng truck.
Bandang alas-3:30 ng hapon, muling sumiklab ang tensyon sa Mendiola Peace Arch nang hagisan ng mga bote at iba pang bagay ang hanay ng mga pulis na nagbabantay roon.
Hindi bababa sa 20 kabataang raliyista, karamihan nakasuot ng itim na T-shirt at facemask, ang dinampot ng Manila Police District (MPD) matapos umanong maghagis ng mga tipak ng bato at bote. Nadamay din ang isang NMAX motorcycle na tuluyang nasunog sa kaguluhan.
Ayon sa MPD, hindi palalagpasin ang anomang uri ng karahasan kahit pinahihintulutan ang mapayapang pagpapahayag. Natigil lamang ang gulo nang bumuhos ang malakas na ulan at makorner ang ilan sa mga raliyista.
Sa kabila ng insidente, iginiit ng mga organizer na matagumpay at mapayapa ang malaking bahagi ng protesta. Tinatayang umabot sa 80,000 katao ang nakilahok sa EDSA People Power Monument, habang nasa 60,000 raliyista naman ang nagtungo sa Luneta.
Nagdaos doon ng misa, cultural performances, at sabayang panawagan ng hustisya at transparency laban sa korupsyon.
PNP Full Alert
Sinabi ng PNP na nasa 50,000 pulis ang itinalaga sa buong Kamaynilaan upang tiyakin ang seguridad sa malawakang kilos-protesta. Naka-full alert status din ang mga yunit at libo-libong civil disturbance management units (CDM) ang ipinosisyon sa Rizal Park, EDSA People Power Monument, Mendiola, Malacañang Park, US Embassy, at Liwasang Bonifacio.
Sabado pa lang ay personal nang bumisita si Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga lugar ng protesta. Giit niya, wala siyang nakikitang destabilization plot at tiniyak ang pagpapatupad ng maximum tolerance.
“No destabilization. Nakikita namin ito bilang isang magandang activity. But we are ready for any eventuality,” ani Nartatez.
“Ang pulis ay nandito to secure not only ourselves, not only the community, but pati na rin sila,” dagdag pa niya.
Rally sa Bulacan Capitol
Samantala, hindi bababa sa 500 raliyista mula sa iba’t ibang sektor ang nagtipon sa harap ng Bulacan Provincial Capitol sa Lungsod ng Malolos. Nagmartsa ang grupo mula Malolos Cathedral hanggang sa bantayog ni Marcelo H. Del Pilar kung saan isinagawa ang programa.
Bagama’t tumagal lamang ng isa’t kalahating oras dahil sa matinding init, naging mapayapa ang buong pagtitipon. Pagkatapos ng programa, marami ang tumuloy sa EDSA at Luneta upang makiisa sa mga pangunahing rally.
Ano Kayo, Hilo?
Kaugnay nito, sinupalpal ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang kampo ng mga Duterte matapos umanong subukang gawing “Oust Marcos” rally ang malawakang protesta laban sa katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Cendaña, malinaw na pakana ito ng mga Duterte para sakyan ang galit ng taumbayan at gamitin ito para makabalik muli sa kapangyarihan.
“The call to convert the September 21 demonstrations into a ‘Marcos ouster’ protest is mainly a Duterte ploy to hijack the people’s outrage and use it to return themselves to power,” ani Cendaña.
Dagdag pa niya, hindi makatotohanan ang pagkukunwari ng mga pro-Duterte groups na laban din sila sa korupsyon, dahil malinaw naman umano na gusto lang nilang ilihis ang sentro ng pagkilos.
“Sino sila para diktahan ang takbo ng malawakang pagkilos ng mamamayan? Para ano, ibalik silang muli sa pinakamataas na antas ng kapangyarihan? Ano sila, hilo?” patutsada ni Cendaña.
Bumanat naman si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima, na nagsabing walang karapatan ang Duterte supporters na diktahan ang direksyon ng protesta.
“Nakita natin ang nangyari sa Indonesia at Nepal, pero hindi ibig sabihin nun ay magpapagamit tayo sa mga umeepal at may pansariling agenda. Ninakawan na nga tayo, gusto pang i-hijack ang ating prinsipyo. Di niyo kami maloloko!” ani De Lima.
Partikular na tinuligsa ni De Lima si Vice President Sara Duterte, na aniya’y malinaw na makikinabang kung mapapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Isa ka na d’yan Sara Duterte! Akala mo lusot ka na? Natabunan man ang impeachment, hinding-hindi kami nakakalimot. Huwag kang magmalinis. Isa ka rin sa dapat managot!” dagdag pa ni De Lima.
(BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL/JOCELYN DOMENDEN/ELOISA SILVERIO)
