PRINCESS JOY PLACEMENT & GENERAL SERVICES INC. WALANG AKSYON

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG sumbong ang ipinahayag ng isang padre de pamilya matapos maranasan ng kanyang asawa, isang overseas Filipino worker (OFW), ang matinding pang-aabuso mula sa kanyang employer sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon kay Ginoong Romnick Aycardo, ang kanyang misis na si “Josa” (hindi tunay na pangalan), tubong South Daang Hari, Taguig City, ay mistulang alipin sa poder ng kanyang amo.

Ayon sa salaysay, ang kinakain lamang umano ni Josa ay tira-tirang pagkain ng kanyang mga amo. Hindi lang ito—laging galit at masungit ang among babae, na tila ba ginagawa siyang punching bag ng sama ng loob.

Pinakamasaklap, pinipilit siyang maglaba gamit ang sariling kamay, at hindi pinagagamit ng washing machine. Dahil dito, nangulubot at nagsugat-sugat ang kanyang mga palad dahil sa matapang na kemikal na inilalagay sa labada.

Si Josa ay naipadala sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng Princess Joy Placement & General Services Inc., habang ang kanyang foreign recruitment agency ay ang Daleelk Recruitment Office. Subalit imbes na maayos na trabaho, ang sinapit niya ay bangungot sa disyerto.

Sa gitna ng pagdurusa, nananawagan si Romnick sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na agad aksyunan ang kaso at iligtas ang kanyang asawa. Aniya, hustisya at agarang repatriation lamang ang kanilang tanging hangad.

Mariing kinokondena ng OFW JUAN ang nasabing pang-aabuso at muling nananawagan sa pamahalaan na huwag hayaang maging alipin ang mga Pilipino sa banyagang lupa. Dapat papanagutin ang mga abusadong employer at mga ahensyang nagpapabaya.

Mensahe ng OFW JUAN: “Ang mga OFW ay mga bayani ng ating bayan, hindi dapat alipinin, gutumin, at pagdusahin. Panahon na para wakasan ang ganitong uri ng pang-aapi.”

Bukas ang OFW JUAN para sa lahat ng OFW na dumaranas ng kalupitan at nangangailangan ng agarang tulong.

9

Related posts

Leave a Comment