MAKATI EXPRESS CARGO NAGTAYO NA NG PANIBAGONG KUMPANYA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

ISANG nakababahalang impormasyon ang natanggap natin na nagtayo ng panibagong cargo business itong Makati Express Cargo.

Ang Makati Express Cargo ay sentro na ngayon ng reklamo sa amin ng mga kliyente nito, matapos na pumalyang maihatid nito ang balikbayan boxes na ipinadala sa kanila.

Sa aming panayam kay Mandeep Singh Bendi, ang nagpakilalang Country Manager ng Makati Express sa bansa, inamin nito na kasalanan ng kanilang kumpanya ang problema na kinahaharap nito ngayon.

Sinabi nito na ang pagkamatay ng may-ari ng kumpanya na si Saheed ang isa sa dahilan. Dahil hindi raw marunong magpatakbo ng negosyo ang mga anak nito.

Nangako rin si Mandeep sa harap namin ni Atty. Vince Maronilla, Asst. Comm. ng Bureau of Customs, na magsisimula muli ng delivery ng mga kahon na kasalukuyang nakatengga sa Customs sa huling linggo ng buwang ito.

Pero sa paglalabas ng memo ng Customs kamakailan lamang, kung saan nakasaad dito na minamadali na ang pagproseso ng mga dokumento para mai-donate na sa Department of Migrant Workers ang mga container ng Makati Express, lumalabas na abandoned na ang mga naturang container.

Nakatanggap naman kami ng mga dokumento mula sa aming source na nagpapatunay na nagsumite na sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga nasa likod ng Makati Express Cargo.

Nakalagay sa mga dokumento na Prime Makati Express na ang panibagong pangalan na gagamitin ng mga nasa likod nito.

Nakasulat sa mga dokumento ang mga pangalan ni Mandeep Singh at Roshan Saheed (anak ng may-ari ng Makati Express), na ilan sa incorporators.

Nagalit naman si Asst. Comm. Maronilla nang ipinaalam natin dito ang impormasyong ito at sinabi na hindi tama na iiwan ng mga ito ang problema nila sa gobyerno.

Binigyan namin ng kopya ng mga dokumento na aming nakalap si Atty. Maronilla bilang katunayan sa impormasyon na aming natanggap.

7

Related posts

Leave a Comment