OMBUDSMAN MAY KINIKILINGAN AT TINITINGNAN?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI ko masisisi ang mga tao na isiping may kinikilingan at tinitingnan ang Office of the Ombudsman, depende kung hindi sila magbabago, ay baka mawala rin nang tuluyan ang tiwala ng mga tao sa institusyong ito tulad ng pagdududa ngayon sa Kongreso dahil sa pagkakasangkot ng mga mambabatas sa mga anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.

Halimbawa rito ang kaso nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman (ret) Judge Felix Reyes na nakabinbin sa Office of the Ombudsman.

Noong Marso, inireklamo ni Sen. Imee Marcos si Secretary Remulla at iba pa sa OMB dahil sa pag-aresto ng gobyerno kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang noong Pebrero naman ay sinampahan ng Camarines Sur officials ng administrative case ang PCSO officials sa pangunguna ni General Manager Mel Robles at Board Members kung saan chairman si Reyes.

Nagsumite naman ng joint affidavit ang PCSO officials noong June 11, 2025 sa administrative case na isinampa sa kanila pero hanggang sa kasalukuyan ay walang inilalabas na desisyon ang Office of the Ombudsman kung ibabasura o hindi ang reklamo.

Kapwa nag-apply sina Remulla at Reyes sa binakanteng posisyon ni dating Ombudsman Samuel Martires at noong September ay pareho silang sumalang sa interview ng Judicial Bar Council (JBC).

Eto ang ipinagtataka ng publiko, dahil sa aplikasyon ni Reyes bilang Ombudsman, naghain ito ng ex-parte motion para tanggalin ang administrative case dahil wala raw itong kinalaman sa reklamo ng mga opisyales ng Camarines Sur na may kaugnayan sa operasyon ng Small Town Lottery (STL), habang si Mariflor Punzalan-Castillo ang acting Ombudsman.

Pero pinalitan ni Deputy Ombudsman for Visayas Dante Vargas si Punzalan-Castillo at matapos ang JBC interview ay naghain ulit si Reyes ng ex-parte motion para sa agarang resolusyon sa kanyang kaso upang mabigyan ito ng clearance sa kanyang inaaplayang position.

Pero mas nauna pang naglabas ng resolusyon si Vargas sa motion ni Remulla na ibasura ang kasong isinampa ni Sen. Marcos laban sa kanya dahil tulad ni Reyes ay kailangang may clearance siya sa Office of the Ombudsman para maisama ang kanyang pangalan sa shortlist na isusumite ng JBC sa Office of the President, na pagpipilian naman ng pangulo na magiging Ombudsman.

Ang punto natin, mas naunang naghain ng ex-parte motion si Reyes kesa kay Remulla pero mas naunang aksyunan ng Office of the Ombudsman ang kaso ng Kalihim kaya ang duda ng mga tao, may kinikilingan at tinitingnan ang institusyong ito depende sa kung sino ang inirereklamo.

Kung talagang patas ang Office of the Ombudsman na parusahan ang mga nagkakasalang empleyado at opisyales ng gobyerno, ay dapat pantay-pantay ang pagtingin nila sa lahat para hindi sila pagdududahan.

Actually, nawalan nga ng tiwala ang publiko sa Office of the Ombudsman noong panahon ni Martires dahil ipinagbawal nilang isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga empleyado at opisyales ng gobyerno nang walang pahintulot ang may-ari kaya hayun maraming yumaman sa katiwalian.

209

Related posts

Leave a Comment