UMAPELA ang iba’t ibang transport groups kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang aksyunan ang direksyon ng Public Transport Modernization Program (PTMP) dahil magulo at wala umanong malinaw na patutunguhan ang programa.
Ayon kay Pasang Masda National President Roberto “Obet” Martin, duda na sila sa paraan ng pagpapatupad ng gobyerno. “Wala nang direksyon ang tinatakbo ng modernization program. Hindi pa handa ang sektor para ipatupad agad ito,” aniya sa press conference sa Quezon City.
Giit ni Martin, dapat magkaroon ng “rigodon” sa hanay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para malinawan ang direksyon ng programa. “Pare-pareho pa rin ang bulok na pamamaraan ng LTFRB at DOTr—mabagal, walang malinaw na time line, kulang sa feedback at dialogue. Para bang may pinoprotektahan,” dagdag ng transport leader.
Kinondena rin ng grupo ang umano’y mga “bulok na opisyal” ng LTFRB na dapat nang palitan.
Samantala, nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na walang balak ang pamahalaan na ihinto ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Patuloy itong ipatutupad ngunit iginiit ng Malacañang na hindi ito dapat gawin nang padalus-dalos at dapat tiyakin na handa ang lahat ng sektor bago ang full implementation.
Kabilang sa mga nagpetisyon kay Marcos na muling repasuhin ang programa ang “Magnificent 7”, na binubuo ng pitong malalaking transport groups: Pasang Masda, LTOP, FEJODAP, ACTO, ALTODAP, Stop and Go, at BUSINA.
(PAOLO SANTOS)
