ZERO VAT ISINUSULONG NI CONGMEOW

BAGAMA’T aminado na radikal at malabong maipasa, itinulak pa rin ni Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, na kilala rin bilang Congmeow, ang kanyang panukalang alisin ang Value Added Tax (VAT) para sa lahat ng Pilipino.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 5119, nais ni Barzaga na tuluyang buwagin ang VAT system na aniya’y nagpapahirap sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap at walang trabaho.

Ayon sa kongresista, panahon na upang tanggalin ang 12% VAT sa lahat ng produkto at serbisyong pampubliko upang mabigyan ng “financial freedom” ang mga Pilipino, partikular na ang mga nasa low at middle class.

“While certain forms of taxation such as property tax and income tax have prerequisites like owning a home or processing a job, Value Added Tax affects the poorest of the poor,” paliwanag ni Barzaga.

Dagdag pa niya, maging ang mga estudyanteng bumibili ng pang-eskuwela sa mga convenience store ay tinatamaan ng VAT, kaya’t maituturing itong anti-poor at pinakikinabangan lamang ng mga tiwaling politiko.

“I propose to abolish the anti-poor VAT that funnels money from our working class to the pockets of corrupt politicians,” ani Barzaga.

Giit pa ng mambabatas, lalo pang dapat bawasan ang buwis ng mamamayan sa gitna ng mataas na inflation at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sa kasalukuyan, mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) lamang ang exempted sa VAT, at iyon pa ay limitado lamang sa piling pangangailangan gaya ng gamot.

Naniniwala si Barzaga na hindi mawawalan ng pondo ang pamahalaan kahit alisin ang VAT, dahil maaari itong palitan ng mas maayos na sistema ng pagkolekta at iba pang uri ng buwis.

“Aminado ako na radikal ang panukalang ito,” ani Barzaga, “pero kung nais talagang maibalik ng gobyerno ang tiwala ng publiko, kailangan ng tunay na pagbabago.”

(BERNARD TAGUINOD)

3

Related posts

Leave a Comment