SK CHAIRMAN AT KAPATID PATAY SA PAMAMARIL

INAALAM ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng gunman na pumaslang sa isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman at kapatid na pinagbabaril nitong nakalipas na linggo sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Kinilala ni Col. Jibin Bongcayao, Cotabato City police director, ang mga biktimang sina Prince Mohaz Rafsanjanie Matanog, SK Chairman sa Barangay Poblacion 5 sa Cotabato City, at Muamar Salvador Matanog.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng pulang Toyota Raize na may plakang NFJ 8206, nang paputukan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Agad naglunsad ng hot pursuit operation ang Police Station 1 na nauwi sa palitan ng putok sa mga suspek.

Tinamaan umano ang isa sa mga sangkot, habang sugatan din sa engkwentro ang isang pulis. Narekober sa crime scene ang 94 fired bullets.

Nagluluksa naman ang Cotabato State University (CotSU) community sa pagkamatay ni Prince Mohaz, isang third-year student ng Bachelor of Science in Civil Engineering.

Kinondena rin ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang nangyaring pamamaril. “This brutal and senseless act is an offense against peace, order, and the values of public service that our city stands for,” pahayag ni Matabalao.

(JESSE RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment