LAGUNA – Inaresto ng pulisya ang dalawang empleyado ng Prime Water matapos nilang ikandado at ikulong ang isang water operator ng Sta. Cruz Water District (SCWD) sa loob ng isang pumping station noong Biyernes ng gabi.
Nag-ugat ang insidente sa hindi pagkakaunawaan matapos maipasara ang pasilidad.
Kinilala ang biktimang nakulong na si alyas “Arleo”, 41-anyos, water operator ng SCWD.
Samantala, ang inarestong mga suspek ay sina alyas “Ralph”, 42-anyos, at “Paull”, 39-anyos, parehong nagtatrabaho sa Primewater.
Nangyari ang insidente dakong alas-7:20 ng gabi sa SCWD Pumping Station sa Barangay Patimbao.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang kaguluhan matapos lumabas ang Executive Order number 40 o ang suspensyon sa operasyon ng Prime Water.
Bandang alas-7:20 ng gabi, nagtungo ang dalawang suspek na nakapambahay at walang identification, sa pumping station at nagpumilit pumasok sa opisina.
Dahil sa pag-iingat, tumanggi ang biktima na papasukin ang mga ito, na nauwi sa hindi pagkakasundo.
Bilang ganti, sinadya umanong kandaduhan nina Ralph at Paull ang gate mula sa labas, kaya hindi nakalabas ang biktima na nasa loob ng pasilidad.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Sta. Cruz Municipal Police Station at nasagip ang biktima.
Inaresto naman ang dalawang suspek na nakatakdang kasuhan ng illegal detention.
(NILOU DEL CARMEN)
