MGB NAGBABALA LABAN SA SINKHOLES KASUNOD NG CEBU QUAKE

NAGLABAS ng subsidence threat advisory ang Mines and Geosciences Bureau sa Central Visayas (MGB-7) matapos madiskubre ang paglitaw ng mga sinkhole at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng northern Cebu kasunod ng 6.9-magnitude na lindol noong Setyembre 30, 2025.

Batay sa ulat ng San Remigio municipal government, umabot na sa 32 sinkholes ang natagpuan sa kanilang bayan, at posibleng madagdagan pa ang bilang habang nagpapatuloy ang pagsusuri.

Ayon sa MGB-7, ang land subsidence o pagbaba ng lupa ay mabilis na nagaganap kapag bumagsak ang ilalim na bahagi ng lupa o nagkaroon ng sinkhole collapse, lalo na pagkatapos ng malakas na lindol.

Sa Sitio Sansan, Barangay Maño, natukoy ang isang malaking sinkhole na puno na ng tubig at may dalawang mas maliliit na butas sa paligid nito. Mayroon ding sinkhole na malapit sa dagat at isa pa sa gilid ng residential area.

Nagsasagawa na rin ng fault mapping ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa paligid ng Bogo Bay Fault, na siyang pinagmulan ng pagyanig na kumitil ng hindi bababa sa 70 buhay.

Babala ng MGB, ang mga sinkhole ay maaaring magdulot ng matinding panganib sa mga residente, imprastraktura, at mga gusali sa paligid ng apektadong lugar.

Kabilang sa mga lugar na binigyang babala ng MGB-7 ay ang mga bayan ng Medellin, San Remigio, Tabogon, Daanbantayan, at Bogo City, na tinutukoy na dumadaan sa mga fault line na posibleng nagdulot ng mga sinkhole.

(JESSE KABEL)

11

Related posts

Leave a Comment