PUNA ni JOEL O. AMONGO
KUNG ang ibang lugar ay sa mga tabing-ilog o sapa ginagawa ang mga flood control project na madalas umaapaw ang tubig-baha, ibahin n’yo ang Quezon City partikular sa District 5, na sa loob mismo ng high-end o pangmayamang subdibisyon ito ginawa.
Ayon kay former QC Dist. 5 Councilor Allan Butch Francisco, dalawang proyekto na nagkakahalaga ng kabuuang mahigit sa P81 million ang ginawa sa isang high-end subdivision.
Ang mga proyekto ay kinabibilangan ng Rehabilitation of Flood Control Structure sa Brittany Annex, Brgy. Sta. Monica, Quezon City na may halagang P48, 999,585.20 sa ilalim ng Contract No. 24OF0022; at ang Rehabilitation of Flood Control Structure Phase 2, Brgy. Pasong Putik, Quezon City na may halagang P32, 360,105,52 sa ilalim ng Contract No. 24OF0128, pawang sa pamamahala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon City 1st District Engineering Office.
Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga proyektong ito ay isinagawa sa loob ng isang high-end na Neopolitan Brittany Subdivision na sakop ng mga Barangay Sta. Monica at Pasong Putik, pawang sa District 5, Quezon City kung saan ang mga bahay at lupa ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P30 milyon.
Nagtataka si Councilor Francisco na ang flood control projects na ito ay inilaan pa sa mga lugar na wala pang nakatayong bahay o bakanteng lote pa lamang, sa halip na sa mga lugar na laging binabaha tuwing umuulan tulad ng Barangays Gulod, San Bartolome, at Bagbag pawang mga nasa District 5.
Kinuwestiyon din niya kung bakit inilaan ang ganung kalaking pondo sa pribadong subdibisyon na pawang may pera ang mga nakatira, hindi katanggap-tanggap ito sa kanilang mga taga District 5 sa Quezon City.
Kaya nanawagan sila sa DPWH QC 1st District Engineering Office (DEO) na magbigay ng paliwanag at kung kinakailangan, magkaroon ng imbestigasyon upang malaman kung mayroong paglabag sa batas o maling paggamit sa pondo ng bayan.
Nagtataka rin si Francisco kung bakit hindi nakasulat sa Contract Title ang Brittany Subdivision kundi street names lamang na tulad ng Bishop Avenue, Beverly Avenue at Bradford Avenue na pawang mga kalsada sa loob ng naturang subdibisyon.
Ito marahil ay upang mapagtakpan o maitago na ang mga proyektong ito ay nasa loob ng high-end subdivision. Tanong ni Francisco, sino ang nakinabang sa mga proyekto?
Imbes na mahihirap na patuloy na nakararanas ng mga pagbaha tuwing umuulan, ang developer pa ng eksklusibong subdibisyon ang nabigyan ng pabor at naging maayos ang kanilang drainage system.
Pati ba naman sa flood control project ng DPWH QC 1st District Engineering Office ay namimili sila ng kanilang paglalagyan?
Ito raw ba ay kabilang sa Quezon City Flood Control & Drainage Master Plan? ani Francisco.
Sinasabi sa DPWH report na ang proyekto ay “on-going”, subalit sa isinagawang inspection ay walang nakitang materyales o pang-konstruksyong mga kagamitan at mga tao na gumagawa sa nasabing projects.
Batay sa contract details, ang proyekto ay dapat sinimulan noong March 18, 2024 at dapat matapos sa loob ng 300-days, subalit ayon sa report ay “ongoing” pa rin hanggang ngayon. Kabilang ba ito sa sinasabi ni Pangulong Junjun Marcos na “guni-guning” proyekto?
Ang mga proyektong ito ay inaprubahan nina QC 1st District Engineering Office (DEO) District Engr. Loida Busa at Assistant District Engr. Arturo Gonzales, Jr., na siya ring tumatayong BAC chairman.
Kailangan ang mga proyektong ito na kinukuwestiyon ng mga taga-District 5 ng QC, ay maimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), hindi makatarungan na ginawa ito sa loob ng high-end at pribadong subdibisyon, sinong politiko kaya ang nakatira rito na binigyan ng pabor? Sa susunod, aalamin natin. Abangan!
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.
