DEHADO ANG PINOY KAPAG POWERFUL ANG MAGNANAKAW

DPA ni BERNARD TAGUINOD

DEHADONG-DEHADO ang mamamayan kapag ang nasasangkot o pinagbibintangang magnanakaw ay makapangyarihang tao sa gobyerno at ang masaklap pa ay ginagamit ang ninakaw para magtago at mamuhay nang marangya sa ibang bansa.

Pero kapag ang isang ordinaryong Pinoy na nagnakaw ng pagkain dahil sa gutom ay agad na inaaresto at ikinukulong at bahala na si Judge ang magdesisyon kung mabubulok siya sa kulungan o palalayain.

Pero ang mga magnanakaw sa gobyerno ng bilyones o kaya milyones ay kailangang pagkalooban ng due process at huwag daw labagin ang kanilang karapatang pantao pero kapag ordinaryong mamamayan ang agad na inaaresto kahit pinagbintangan pa lamang at sinasabi nilang ‘yan ang batas na dapat sundin.

Tulad na lamang itong si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na pinagbibintangan na diniliberan ng mga corrupt official ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan ng male-maletang pera mula sa hiningi nitong komisyon sa flood control projects na ibinaba niya sa First Engineering District ng Bulacan.

Maraming alegasyon kay Zaldy Co tulad ng pagkakasangkot ng kanyang construction company sa substandard projects at lumaki ang kontratang nakuha sa gobyerno mula nang maging chairman ito ng House Committee on Appropriations.

Pero Imbes na harapin ang kaso ay umalis siya ng bansa at nang hindi na siguro nakaya ang pressure, ay tinamaan siya ng hiya at nag-resign na lamang siya bilang kinatawan ng kanilang party-list sa Kamara.

Tapos sasabihin ng kanyang mga kasama na nagsakripisyo raw si Zaldy Co? Kaya nagagalit si Mayor Benjie Magalong sa inyo eh dahil imbes na sagutin ang mga paratang ay naghahanap kayo ng butas sa iba… para ano? Para ipamukha niyo sa amin ginagawa rin naman ng iba ang mga katiwaliang ibinibintang sa amo niyo?

Kung nagkataong ordinaryong tao si Zaldy Co, malamang ay matagal na siyang hinuli at nakakulong na kaso powerful siya eh kaya bigyan daw siya ng pagkakataon na sagutin sa tamang forum ang mga bintang na ito at ang nagtatanggol sa kanya ay ‘yung mga nakinabang sa kanya.

Pero alam natin na pinagloloko nila tayo dahil kung talagang sasagutin niya nang harap-harapang ang mga alegasyon laban sa kanya ay matagal na siyang umuwi dahil alam niyang iniimbestigahan siya ng Independent Commission in Infrastructure (ICI) at iba pang ahensya ng gobyerno.

Naniniwala ang marami na may mas mataas pa kay Zaldy Co at may kasabwat sa P250 billion na pondo na isiningit sa 2025 General Appropriations Act (GAA) kaya dapat umuwi na siya at ikanta ang lahat ng nalalaman.

Kung tatahimik siya at mananatili siya sa ibang bansa ay iisipin ng mga tao na talagang siya ang mastermind kaya dapat umuwi na siya, sabihin ang totoo, ilabas ang mga ebidensya dahil hindi papayag sa pagkakataong ito ang mga Pilipino na walang makukulong sa anomalyang ito, kasama si Co.

16

Related posts

Leave a Comment