SANITARY NAPKINS NG MGA KABABAIHAN PINALILIBRE

MALILIBRE na ang sanitary napkins ng kababaihan kapag naipasa ang panukalang batas na inihain ng mga kinatawan ng Akbayan party-list.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 5179 o Free Period Product Act, sina Akbayan Reps. Dadah Kiram Ismula, Chel Diokno, Percival Cendaña, at Dinagat Rep. Kaka Bag-ao ay nananawagan na gobyerno na mismo ang magsu-supply ng menstrual hygiene products para sa kababaihan.

Layon ng panukala na mabawasan ang gastusin ng kababaihan tuwing kanilang buwanang dalaw at matiyak na walang maiiwan sa eskuwela o trabaho dahil sa kakulangan ng pambili ng sanitary products.

“For the poorest families, every peso counts. The cost of pads and tampons has been a silent barrier, forcing girls to miss classes and women to skip work. Ang pagbibigay natin ng libreng menstrual products ay hindi lang usapin ng kalusugan, kundi katarungan din,” ani Ismula.

Sa ilalim ng nasabing panukala, magtutulungan ang Department of Health (DOH) kasama ang Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), at Local Government Units (LGUs) upang bumili at mamahagi ng mga sanitary napkin, tampon, reusable pad, at menstrual cup.

Naniniwala ang mga mambabatas na malaking tulong ito sa mahihirap na pamilya, dahil maaari nilang itabi ang natitipid na pera para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan — lalo na sa mga pamilyang may maraming babae.

“The Free Period Products Bill is a pro-poor and pro-women measure. Panahon na para gawing libre at accessible ang menstrual products para sa lahat,” dagdag ni Ismula.

(BERNARD TAGUINOD)

4

Related posts

Leave a Comment