ONLINE CHECK-UP AVAILABLE NA SA BILIBID

GOOD news para sa mga preso sa New Bilibid Prison (NBP).

Magkakaroon na ng access sa online medical consultation ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Muntinlupa City, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon sa BuCor, inilunsad ang teleconsultation program noong Setyembre 30 sa pangunguna ng HIV/AIDS Core Team ng NBP Hospital katuwang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Muntinlupa City Health Office (CHO).

Layunin ng programa na mapalakas ang access ng mga preso sa de-kalidad na serbisyong medikal sa pamamagitan ng digital consultations o telemedicine.

Tinawag ng BuCor ang proyekto bilang “isang makabuluhang milestone sa paghahatid ng inclusive at tumutugong pangangalaga sa kalusugan sa loob ng bilangguan.”

Sa pamamagitan ng online consultations, tiniyak ng BuCor na tuloy-tuloy ang gamutan at monitoring ng mga PDL, lalo na sa mga may sakit na HIV, at naipapakita rin dito ang kooperasyon ng BuCor, RITM, at CHO sa pagtataguyod ng katarungang pangkalusugan.

Sa inagurasyon, sinabi ni Dr. Arthur Dessi E. Roman, pinuno ng Medical Department ng RITM, na patuloy ang kanilang suporta sa mga makabagong solusyon sa kalusugan para sa mga mahihinang sektor tulad ng mga PDL.

Samantala, tinawag naman ni Sr. Insp. Evangeline Rabara, deputy camp commander ng Maximum Security Compound, ang teleconsultation hub bilang “modelo para sa mga programang pangkalusugan sa hinaharap.”

(CHAI JULIAN)

10

Related posts

Leave a Comment