NAARESTO ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang tinaguriang ‘Estafa King’ sa City of Dreams Casino sa Parañaque City, Metro Manila.
Sa report na ipinadala ni Col. Nicolas Salazar Pinon, officer-in-charge ng Paranaque City Police Station, kay Southern Police District (SPD) acting director Gen. Randy Arceo, ang suspect na si Mark Allan Carvajal, 45-anyos, residente ng 212-A Mascardo St., Singkamas, Makati City ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Hon. Judge Louie Brian Rosello Sze, Quezon City Regional Trial Court Branch 87.
Nabatid na si Carvajal ay matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa estafa case na isinampa laban sa kanya ng biktimang si Eunice Soliven Acosta, isang negosyante sa Mandaluyong City.
Inutangan ng suspect ang biktima ng halagang P28 million sa katwirang gagamitin bilang puhunan sa pag-buy and sell umano ng mga high-end na sasakyan.
Sa kagustuhang makatulong ng biktima, inisyuhan nito ng dalawang tseke ang suspect na nagkakahalaga ng P13 million at P15 million.
Magkagayunman, tumalbog ang mga tseke nito dahilan para magsampa ng kaso ang biktima laban sa suspect.
Si Carvajal ay isa umano sa kanang-kamay ni Hector Pantallana na nakakulong na rin ngayon dahil sa umano’y kaso naman ng multi-million peso na pang-i-scam.
Mula sa kinaharap na Criminal Case No. R-QZN-25-07857-CR o paglabag sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, ipinag-utos ang agarang pagdakip sa suspect na may ilang buwan ding nagtago sa mga awtoridad.
Magkagayunman, isang impormante ang nakapagsabi sa mga awtoridad na ang suspect ay naglalaro sa casino ng City of Dreams.
Agad nagkasa ng operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Carvajal.
Kasalukuyang nakakulong ang suspect sa Parañaque City Jail.
Walang inirekomendang bail o piyansa laban sa suspect dahil sa bigat ng kasong kinakaharap nito.
