OBLIGADONG magsagawa ng sabayang earthquake drill ang 896 barangay ng lungsod ng Maynila matapos itong ipag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa kanyang ulat sa unang 100 araw sa pwesto na ginanap sa San Andres Sports Complex.
Ayon sa alkalde, paghahanda ito sa posibleng pagtama ng malakas na lindol o ang “The Big One”.
Sinabi ni Domagoso, layunin ng hakbang na palakasin ang kahandaan at koordinasyon ng bawat barangay sa pagtugon sa mga kalamidad.
Partikular na inatasan ni Domagoso ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) na manguna sa pagsasagawa ng community-based simultaneous earthquake drill na magiging taunang aktibidad ng lungsod.
Ayon sa MCDRRMO, saklaw ng drill ang tatlong senaryo — lindol, tsunami, at baha — na isasagawa sa iba’t ibang oras ng araw upang subukan ang kakayahan at kahandaan ng mga barangay sa iba’t ibang sitwasyon.
Sasaklawin ng simulation ang high-risk areas tulad ng City Hall complex, mga paaralan, at tanggapan ng pamahalaan para sa lindol; mga baybaying barangay sa Malate, Ermita, Baseco, at Tondo para sa tsunami; at mga mababang lugar malapit sa Pasig River at mga estero para sa pagbaha.
Lalahok sa aktibidad ang MCDRRMO, mga barangay DRRM committees, Bureau of Fire Protection (BFP), Manila Police District (MPD), Department of Engineering and Public Works (DEPW), rescue at health units, paaralan, ospital, negosyo, at mga residente.
Ayon sa MCDRRMO, bagaman hindi direktang tinatamaan ng West Valley Fault ang Maynila, nananatili itong nasa intensity impact zone sakaling tumama ang isang magnitude 7.2 na lindol.
Layunin din ng malawakang drill na tiyaking handa at matatag ang lungsod sa anomang kalamidad upang mapanatili ang kaligtasan at katatagan ng mamamayan.
(JOCELYN DOMENDEN)
