RIZAL — Isang 15-anyos na estudyante ang binangga umano nang sadya ng isang driver ng electric vehicle (EV) habang papasok sa eskuwela sakay ng motorsiklo nitong Lunes ng umaga sa Teresa, Rizal.
Batay sa post ni Jonald Reynaldo, pinsan ng ama ng biktima, nangyari ang insidente noong Oktubre 7, 2025 sa tapat ng palengke ng bayan. Ayon sa ulat, nagkaroon muna ng sagian sa pagitan ng motorsiklo ng estudyante at kotse ng suspek.
Dahil dito, tinakbuhan umano ng bata ang drayber, dahilan para habulin ito ng suspek hanggang sa Alas Street, Brgy. Poblacion, kung saan sinadya nitong araruhin ang motorsiklo ng biktima.
Makikita sa video ng insidente ang pagtatalo ng mga nakasaksi at ng drayber, habang may babaeng sumigaw: “Hindi mo kailangang banggain ‘yung bata!”
Ayon sa Teresa Municipal Police Station, takot umano ang nanaig sa estudyante kaya tumakas ito matapos masagi ang sasakyan ng suspek. Sa paghabol, nabundol siya ng EV driver na empleyado ng isang bangko.
Sa ngayon, ayon sa pulisya, nagkasundo na ang magkabilang panig — sasagutin ng drayber ang gastos sa pagpapagamot ng biktima at pagkumpuni ng motorsiklo, kahit pa lumabas na walang helmet at lisensya ang menor de edad.
Gayunman, sinabi ni Police Corporal George Tirados na kung magbago ang isip ng pamilya ng biktima, posibleng maharap ang suspek sa kasong attempted homicide, dahil sa video ay makikitang may intensyon itong manakit.
Dahil sa viral na insidente, agad na nag-utos si Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez na kanselahin ang lisensya ng EV driver.
“‘Yang driver na ‘yan, walang karapatan magmaneho. Sabihin na nating nasagi nga ang kotse niya — tama bang habulin at bundulin mo ‘yung bata?” mariing pahayag ni Lopez.
Dagdag pa ng kalihim, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa pulisya at handa silang magbigay ng abogado para sa pamilya ng estudyante.
“No amount of explanation can justify his actions. Mas may edad siya, dapat alam niya kung ano ang tama,” aniya pa.
Naglabas na rin ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa drayber, na posibleng matanggalan ng lisensya habambuhay, ayon sa utos ni Lopez.
(NEP CASTILLO)
