PUBLIKO DUDA SA APPOINTMENT NI REMULLA SA OMBUDSMAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMING nagsasabi na kaya itinalaga ni Pangulong Junjun Marcos si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla sa Office of the Ombudsman ay para puntiryahin at pilayin si Vice President Inday Sara Duterte.

Bagama’t binigyang-linaw ni newly appointed Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi umano siya tutuon sa isang kampo ng politika para sa kanyang bagong posisyon, ay hindi pa rin kumbinsido ang marami sa sinasabi niya.

Sa isang press conference na pinaunlakan ni Remulla noong noong Martes, Oktubre 7, 2025, sinabi niyang hindi maaaring gamitin ang batas para lamang sa sariling interes.

Sinabi pa niya na wala siyang sisinuhin, kasi ang trabaho ng Ombudsman ay para sa Pilipinas, hindi para sa isang kampo ng pulitika.

Hindi naman naniniwala ang super ate ni Junjun Marcos na si Senator Imee Marcos, sa mga pahayag ni Remulla.

Nauna nang tinutulan ni Sen. Imee Marcos ang appointment ni Remulla dahil alam niyang ipakukulong umano nito si VP Sara.

Sa press conference noong Setyembre 2, 2025, ibinahagi ni Sen. Imee ang mga dahilan sa pagtutol niya sa pagiging Ombudsman ni Remulla.

Aniya, ang intensyon lamang ng kampo nila Remulla ay mapaikulong si Vice President Inday Sara Duterte bago ang 2027.

Sinabi pa ni Sen. Imee, maaaring hindi lamang si VP Sara ang kanilang gustong ipakulong kundi pati na rin ang mga kaalyado ng mga Duterte at maging siya mismo.

Sa kabila na may mga nakabinbin na isinampang kaso laban kay Remulla sa Ombudsman ay siya pa rin ang piniling italaga ni Junjun Marcos sa opisinang ito.

Kabilang sa mga pinagpilian na maging Ombudsman ay sina Philippine Competition Commission chairperson Michael Aguinaldo, PHLPost chairperson Stephen Cruz, SC Associate Justice Samuel Gaerlan, Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Anna Liza Logan, Retired SC Associate Justice Mario Lopez, Sandiganbayan 4th Division chairperson Michael Frederick Musngi, at ang pinakahuli na may nakasampang kaso pa sa Ombudsman, ay si Boying Remulla.

Ang Ombudsman ay may fixed term na pitong (7) taon kaya magtatapos ang termino ni Remulla sa 2032 pa.

Kahit mapalitan na si PBBM sa kanyang pwesto ay mananatiling Ombudsman pa rin si Remulla.

Bagama’t hindi direktang sinabi ni Remulla na pupuntiryahin niya si VP Sara, ay nagpahayag ito na maaari niyang silipin ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo. Alam na!

Ang pagkakatalagang ito kay Remulla sa Ombudsman ay lalo pang nagpalala sa galit ng maraming Pilipino sa administrasyon ni Junjun Marcos.

Sa Bonifacio Day sa November 30, 2025 ay nakatakdang magsagawa ng malakihang rali na gaganapin sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa araw na ito ay maaaring humigit pa sa dami ng mga tao ang makikiisa para ipanawagan ang pagpapanagot sa mga korap na opisyal ng gobyerno at sabay ng panawagan ng pagbibitiw ni PBBM.

May mga grupo na rin na nagsusulong ng Snap Election dahil sa kawalan na ng tiwala ng mga Pilipino sa BBM administration.

Anomang klase ng pagbabago ang isagawa ng pamahalaan para mawala ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan, ay pabor tayo, ‘wag lang marahas.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

12

Related posts

Leave a Comment