UNCONSTITUTIONAL ACT NG DBM – ATTY. RODRIGUEZ

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINIRA ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa patuloy nitong pagpopondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kabila ng pagtutol ng mamamayan.

Sa kanyang Facebook post kamakailan, nagpahayag ng pagka-intriga ang abogado sa ‘hawak na alas’ ng DBM laban sa Malakanyang kaya mistulang hindi ito mapigilan sa paglustay ng pondo.

“Sa kabila ng mahigpit na pagtutol nating mga Pilipino sa ginagawang paglapastangan ng Marcos administration sa kaban ng bayan at paglabas ng mga ebidensya’t testimonya ng katiwalian sa flood control projects, patuloy pa rin ang pag-agos ng pera mula sa DBP patungo sa DPWH.

Ano nga ba ang hawak ng kalihim ng DBM sa Malakanyang at sobrang lakas nito at ayaw paawat sa paglustay ng pera nating mga Pilipino?,” bahagi ng post ni Atty. Rodriguez.

Sa Kamara kamakailan, ibinunyag ng isang mambabatas ang bilyong insertions umano sa panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Sa kanyang turno en contra, ibinunyag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na may P113 bilyong “invisible insertions” umano sa badyet ng DPWH.

“Dahil sa tindi ng galit ng mamamayan, napilitang tanggalin ang P255 bilyong locally-funded flood control projects. Pero ang inilihim sa publiko, mayroong hindi bababa sa P113 bilyon na invisible insertions sa 2026 DPWH budget,” giit ni Tinio.

Batay sa orihinal na 2026 National Expenditure Program (NEP), humiling ng P881.3 bilyon ang DPWH, ngunit matapos mabisto ang mga anomalya sa flood control projects, binawasan ito ng P255 bilyon, kabilang ang P3 bilyong duplicate projects.

Gayunman, sinabi ni Tinio na hindi pa rin nalinis ang badyet dahil may natagpuang P113 bilyon pang ilegal na ipinasok—na aniya’y hindi ipinaalam ng Malacañang at Kongreso sa publiko.

9

Related posts

Leave a Comment