DPA ni BERNARD TAGUINOD
NGAYONG mayroon nang bagong Ombudsman sa katauhan ng Caviteñong si Jesus Crispin Remulla ay umaasa ang sambayanang Pilipino na uunahin ang pagpapahawla sa mga sangkot sa flood control projects.
Hindi lang ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga private contractor ang dapat kasuhan agad-agad at ipakulong habang dinidinig ang kanilang kaso, kundi maging ang mga politikong kasabwat nila sa anomalyang ito.
Kung mga small fish lang ang makukulong ay hindi babalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno kaya kailangang tiyakin na may mga politiko rin, congressman man ‘yan o senador o kahit umabot sa Palasyo ng Malacañang.
Alam na ng mga negosyante sa ibang bansa ng tulad ng Amerika, ang malawakang katiwalian sa Pilipinas na kinasasangkutan mismo ng mga taong gobyerno, malamang ay hindi na muna sila maglalagak ng puhunan sa ating bansa.
Mismong ang US State Department na ang pumuna sa malawakang katiwalian sa Pilipinas kaya damay-damay na ‘yan. Tiyak hindi lang ang American investors ang aatras kundi maging ang mga negosyante sa ibang bansa.
Kaya kailangang magpakitang gilas si Boying para maibalik ang tiwala ng Pinoy sa gobyerno at ng foreign investors sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapakulong ng mga politikong corrupt na hanggang ngayon ay tinatamasa pa nila at ng kanilang pamilya ang bilyones na ninakaw nila sa taumbayan.
Nasampahan na rin naman ng reklamo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si dating Congressman Zaldy Co kaya bilisan na ang pagsasampa ng kaso. Hindi ubrang sasabihin lang ng dating mambabatas na wala siyang kinalaman sa anomalyang ito, kailangan niyang patunayan na wala siyang kasalanan.
Nakapagtataka kasi na hanggang ngayon ay hindi pa kinakansela ang passport ni Zaldy Co para pilitin siyang umuwi at galit na si Congmeow Kiko Barzaga dahil wala pang isinampang kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Hindi papayag ang mga tao na walang politiko ang makukulong sa anomalyang ito kaya kailangang magpakitang gilas si Boying bago pa man tuluyang maubos ang pasensya ng sambayanang Pilipino.
Nagbabantay na ang mga tao na pinagnakawan ng mga taong gobyerno at umaasa sila na makakamit nila ang katarungan at nasa kamay na ni Ombudsman Boying ang katuparan ng minimithing ito ng lahat.
Pero hindi ang Ombudsman ang dapat tumiyak na makakamit ang katarungan kundi ang Hudikatura dahil napapansin ng lahat, na pagdating sa korte, ang maliliit na mga isda lamang ang nakukulong at karaniwang naaabsuwelto ang mga sangkot na politiko.
Wala nang tiwala ang mga tao sa Executive at Legislative Branch ng gobyerno kaya huwag sanang hayaan ng ikatlong sangay ng estado… ang Hudikatura… na mawala rin nang tuluyan ang tiwala sa kanila.
