SANGA-SANGANG KORUPSYON SA PILIPINAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SABI ko na nga ba, hindi lang flood control projects ang babahain ng mga isyu.

Binasa lang nito ang daan patungo sa iba pang proyektong malamang may kontrobersiya at anomalya.

Kasama sa nabasa ang mga proyektong panlansangan, gusali, eskwelahan, tulay at iba pang imprastrakturang paggawa ng gobyerno.

Teka, baka madawit pa ang irigasyon.

Heto na! Pansamantalang ipinatigil ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang road reblocking projects dahil sa mga reklamong pinagkakakitaan umano ang pagbakbak ng mga kalye.

Dati, may tanong na bakit sinisira ang kalye na maayos naman? Nasanay na rin ang mga tao sa nakikitang pagtibag at muling paggawa ng mga kalsada.

Dinadaan na lang sa patutsada ang pagka-imbyerna.

Kabulastugan atang masasabi na ang daang ginastusan ng pera ng taumbayan ay hindi lang pala daanan kundi isang hakbang ng katiwalian.

Eto pa, malamang umano na umabot sa mahigit P10 bilyon ang overpricing sa farm-to-market roads sa bansa.

Sa pagtaya ng isang senador, nasa 77% ng farm-to-market road projects ng DPWH sa nakalipas na dalawang dekada ay overpriced, at ang halaga ay katumbas na umano ng 700 kilometrong lansangan na naglaho.
Kaya inilipat na sa Department of Agriculture ang pangangasiwa sa proyektong farm-to-market roads.

Sa mga nayon, ang FMR ay hindi lang ginagamit para maihatid ang mga produkto ng mga sakahan sa merkado. Nagsisilbi rin itong landas ng mga residente patungo sa destinasyon nilang pupuntahan. Konektado ang mga FMR sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Konektado rin ito sa bulsa ng mga kawatan.

Nakawala nga sa putik ang mga dumadaan, ngunit tiba-tiba naman sa kita ang iba riyan.

Buhay nga naman.

Malamang gagapang pa sa ibang proyektong panggobyerno ang mga hindi kaaya-ayang maniobra.

Sino ang hindi mababahala at mababalisa kung sa bawat panulukan ay may kababalaghan.

Dumarami tuloy ang bilang ng mga Pilipino na nai-stress dahil sa araw-araw nilang pamumuhay.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre, nasa 34% ng tumugon ang nagsabing madalas silang nai-stress.

Stress na nga sa trabaho, sa kabuhayan, kalusugan ay madaragdagan pa ng pagkaunsiyami sa mga pampublikong opisyal.

Pagod na rin ang iba. Pagod na hinaluan ng galit.

Kaya nais na may mananagot sa korupsyon.

Hangga’t walang nananagot, magpapatuloy ang mga protesta.

Mahirap bang tugunin ang hinangad ng taumbayan na transparency, pananagutan at mabuting pamamahala?

Kung hindi kayang gawing maayos ang pagiging serbidor ng publiko ay baka naman pwedeng ayusin na ang pag-aalsa balutan.

Teka, may naghamon pa ng mass resignation, ngunit may kondisyon.

Gusto pang idamay ang matitinong nanunungkulan.

Buhay na ‘to. Lito na nga mga tao, pinaglalaruan pa.

Sana, ibang talak na ang ibuga ng mga public official. ‘Yun bang magsisilbi sila para sa kasiyahan ng mga tao. Walang pinipili. Dapat walang kulay ang pagbibigay ng serbisyo.

116

Related posts

Leave a Comment