CAVITE – Tinitingnan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang ginamit na rechargeable light sa pagkasunog ng isang two-storey na bahay sa Dasmariñas City noong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa ulat, dakong ala-1:12 ng madaling araw nang nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay na yari sa kahoy sa Block A-12, Excess Lot, Brgy. San Luis II, Dasmariñas City.
Ayon sa may-ari ng bahay na si alyas “Raymundo”, naalimpungatan sila ng kanyang anak sa pagkakatulog nang makitang nilalamon ng apoy ang kanilang bahay ngunit mabilis naman silang nakalabas at humingi ng saklolo.
Ayon kay FO1 Reynald Patricio, OIC ng Bureau of Fire Protection (BFP), idineklarang fire under control ang sunog bandang ala-1:20 ng madaling araw at fire-out bandang ala-1:43 ng madaling araw.
Inamin ng may-ari ng bahay na wala silang kuryente at tanging rechargeable light ang kanilang ginagamit.
Inaalam pa kung may kaugnayan ang rechargeable light sa dahilan ng sunog.
(SIGFRED ADSUARA)
65
