Kaya hindi pinauuwi – solon ROMUALDEZ ITUTURO NI ZALDY CO?

PABOR umano kay dating House Speaker Martin Romualdez ang tila pagpapaliban sa pag-uwi sa bansa ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco.

Ayon kay Tiangco, posibleng sinasadya raw na hindi pauwiin si Co dahil baka maglabas ito ng mga pangalan ng kasabwat sa umano’y anomalya sa flood control projects at sa pagmamanipula ng pondo para sa 2026 national budget.

“Kung magtatagal nang magtatagal ‘yan (ang pagkansela ng pasaporte ni Co), magdududa na rin ako. Mabubuo ang duda ko,” ani Tiangco.

“Sino ba ang pwede niyang ituro? Wala namang iba kundi si former Speaker Martin Romualdez.”

Tanong pa ng kongresista, bakit tila walang ginagawa si Romualdez para mapauwi si Co.

“Hindi ko alam kung bakit si Martin Romualdez, our former Speaker, bakit hindi siya gumagawa ng paraan para pauwiin si Zaldy Co,” dagdag pa niya.

Pinuna rin ni Tiangco ang mga nag-aabogado umano kay Co laban sa kanselasyon ng kanyang pasaporte.

“Bakit sila nag-aabogado pa kay Zaldy Co? Kanselahin muna ang passport! Kaya naman ni Zaldy Co na kumuha ng abogado — siya ang magkuwestiyon kung hindi dapat kanselahin,” giit niya.

Giit pa ni Tiangco, baligtad ang nangyayari dahil may ilang indibidwal na humaharang pa sa hakbang ng DFA.

Bagaman hindi ito nagbanggit ng pangalan, kabilang sa mga nagpaliwanag sa kanselasyon ng pasaporte ni Co nang walang utos ng korte ay si Bicol Saro Rep. Terry Ridon.

“Kahit sino pa ‘yan — si Zaldy Co man o si Harry Roque — hindi pwedeng magkansela ng pasaporte ang DFA nang walang court order,” pahayag ni Ridon sa isang statement.

Si Co, dating chairman ng House committee on appropriations, ay kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Pumalag si Romualdez

Samantala, kinondena ni Romualdez ang ulat na inuugnay siya sa British-Swiss financier na si Patrick Mahony, na nakulong dahil sa pagkakasangkot sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB) scandal.

“I join the Maharlika Investment Corporation (MIC) in completely denouncing the false and baseless allegations published by certain online sources,” pahayag ni Romualdez, na siyang nanguna sa pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon sa Sarawak Report, isang Malaysia-based news website, kinuha umano ng MIC si Mahony bilang adviser at personal daw itong kakilala ni Romualdez, na isinasangkot din sa umano’y anomalya sa flood control projects.

“I have never had any discussion, meeting, or communication with any individual regarding investments, advisory roles, or management decisions involving the Maharlika Wealth Fund,” bahagi ng pagtanggi ni Romualdez.

“The reports attempting to link me to such matters are entirely unfounded, misleading, and malicious,” dagdag pa niya.

(BERNARD TAGUINOD)

12

Related posts

Leave a Comment