Rep. Ordanes, nanawagan ng exemption sa buwis para sa mga senior citizen na nagtatrabaho

Nanawagan si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes na mabigyan ng tax relief ang milyun-milyong senior citizen na Pilipino na patuloy pa ring bahagi ng workforce.

Inihain ni Rep. Ordanes ang House Bill No. 2563 o ang “Income Tax Exemption for Senior Citizens Act” na naglalayong magbigay ng exemption sa income tax para sa mga Pilipinong edad 60 pataas na kumikita ng P800,000 pababa kada taon.

Saklaw ng panukalang batas ang mga senior citizen na nagtatrabaho pa rin sa full-time, part-time, kontraktwal, o consultancy roles. Kasama rin sa exemption ang karagdagang kita gaya ng holiday pay, overtime pay, night shift differential, at hazard pay.

“Maraming senior citizen ang patuloy na nagtatrabaho hindi dahil gusto nila, kundi dahil kailangan—para suportahan ang kanilang pamilya, magpagamot, o makasabay sa patuloy na pagtaas ng gastusin. Pagkatapos ng ilang dekada ng serbisyo sa ating bansa, nararapat lamang na sila ay mabigyan ng ginhawa—hindi dagdag na pasaning pinansyal mula sa income tax deductions,” giit ni Rep. Ordanes.

Binigyang-diin pa ng party-list representative na hindi dapat parusahan ang mga senior citizen na pinipiling manatiling produktibo, at sinabi niyang layon din ng panukala na itaguyod ang social justice.

“Kung nagbibigay tayo ng tax incentives sa mga korporasyon at mga mamumuhunan, dapat lang na ibahagi rin natin ang mga benepisyong ito sa mga senior citizen na patuloy na nagtatrabaho nang may dignidad sa kanilang pagtanda,” sabi ni Rep. Ordanes.

Sa kasalukuyang batas, may mga diskwento at VAT exemption ang mga senior citizen sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act, ngunit wala pang umiiral na tax incentives para sa mga nakatatandang Pilipino na patuloy pang nagtatrabaho.

Nanawagan si Rep. Ordanes sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang agarang pagpasa ng House Bill 2563 at kilalanin ang patuloy na pagdami ng mga senior citizen na kabilang pa rin sa workforce.

“Ang pagbibigay ng tax exemption sa mga senior citizen ay isang simple ngunit makabuluhang paraan upang kilalanin ang kanilang naging ambag sa ating lipunan,” aniya.

49

Related posts

Leave a Comment